Pambobomba ng Zionistang estado ng Israel sa Qatar, kinundena
Mariing kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan ang tinawag nitong “duwag at patraydor” na airstrike ng Zionist na estado ng Israel sa Qatar noong Setyembre 9. Anito, ang pananalakay ay terorismo ng estado, na nagagawa ng Israel dahil sa walang lubay na suporta rito ng imperyalsmong US. Paglabag ito sa internasyunal na batas, soberanyang Arabo, at karapatan ng mga Palestino para sa sariling pagpapasya.
Isinagawa ng Israel ang airstrike sa isang gusali sa mataong lugar sa Doha, kabisera ng Qatar. Napatay dito ang anim katao, pero bigong patayin ang liderato ng Hamas na pangunahing target nito.
Ayon sa BAYAN, ang pag-atake sa Doha, na umaaktong tagapamagitan para sa negosasyon ng tigil-putukan sa Gaza, ay nagpapakita ng papel ng Israel bilang “malupit na kasabwat ng imperyalismong Amerikano sa Middle East.” Ang Qatar ay itinuturing na “alyado” ng US at sa katunayan ay lugar na may pinakamalaking air base ng US sa Middle East. Gayunpaman, walang pagkundena ang US sa kriminal na akto ng Israel at pinuri pang “kapita-pitagan” ang layunin nitong burahin ang Hamas.
“Kriminal na paglabag sa internasyunal na makataong batas at lahat ng tuntunin ng konduktang makatao ang pananalakay ng Israel (sa Qatar),” ayon sa Bayan. Labag dito ito sa UN Charter, na nagbabawal ng agresyon sa mga soberanong bansa, partikular ang Qatar na may katayuang “nyutral,” pagtarget sa mga indibidwal na sangkot sa mga usapang diplomatiko at pagsasapanganib sa mga sibiyan, anito.
Tinuligsa rin ng Bayan ang pagwasak ng Israel sa negosasyon ng tigil-putukan at lalong magpapahaba ng digmaan. “Layunin nitong udyukan ang di pagkakaisa ng mga bansa sa Gulpo at ipakita na walang ligtas na bansa mula sa agresyon ng Zionista na may pahintulot ng Amerikano,” dagdag pa nito.
Nanawagan ang Bayan para sa mahigpit na pagkakaisa ng mga bansang tumutol sa imperyalismong US.
“Kaisa kami sa buong mundo na humihiling ng agarang parusa sa Israel, gaya ng arms embargo at blokeyo sa ekonomya.” Hinimok din nito ang pagpapatalsik ng mga base militar ng US sa iba’t bahagi ng mundo. Patuloy itong nanindigan sa pakikiisa sa Palestine at sa laban kontra imperyalismo.
“Pinaparangalan namin ang pagtitiis at paglaban ng Hamas at ng mga Palestino laban sa deka-dekadang pagwasak at pagtataksil,” anito. “Ang paglaya ng Palestine ay nakaugnay rin ng laban (ng mga Pilipino) sa imperyalismong Amerikano dito sa Pilipinas.”