Balita

Pambubugaw ng pulis ng mga Pilipina sa mga tauhan ng FBI ng US, pinaiimbestigahan

Pinaiimbestigahan ni Gabriela Rep. Arlene Brosas ang napabalita kamakailan na pambubugaw ng mga upisyal ng Philippine National Police sa mga kababaihang Pilipino sa mga upisyal ng Federal Bureau of Investigation ng US. Malaon nang nabunyag ang pagtangkilik ng mga tauhan ng FBI sa mga ibinubugaw na kababaihan saanman sila mapadpad na bansa.

Sa isang ulat, isinawalat ng New York Times na ang isang dokumento ng US Department of Justice kung saan inilarawan ang mga gawi ng mga tauhan ng FBI na nakipagtalik sa mga prostitute sa Pilipinas, Cambodia, at Thailand mula 2009 hanggang 2018.

Ang mga dayuhang ito ay nasa naturang bansa para dumalo sa mga pagsasanay para diumano labanan ang trafficking, na mas madalas na sangkot ay kababaihan. Partikular sa Pilipinas, ibinunyag nito na tumanggap ang mga tauhan ng FBI ng “serbisyo” ng mga binugaw na kababaihan na binayaran ng mga upisyal ng PNP.

“Ang mga pulis mismo ang nagsisilbing bugaw para sa mga dayuhang ahente. Imbes na protektahan ang kababaihan mula sa trafficking at prostitusyon, sila pa mismo ang nagbebenta ng ating kababaihan,” pagkundena ni Brosas. Panawagan niya ang isang malalim at independyenteng imbestigasyon para tukuyin kung sinu-suno ang mga sangkot at kung anong ahensya ang dapat managot sa karumal-dumal na gawing ito.

“Hindi dapat palagpasin ang ganitong karumal-dumal na pagsasamantala sa ating kababaihan. Dapat managot ang lahat ng nagpakunsinti sa iligal na gawain na ito,” dagdag ni Brosas. Paalala ang balitang ito kung bakit dapat patuloy na nilalabanan ang lahat ng klase ng karahasan laban sa kababaihan, laluna yaong isinasagawa ng mga nasa kapangyarihan, aniya.

AB: Pambubugaw ng pulis ng mga Pilipina sa mga tauhan ng FBI ng US, pinaiimbestigahan