Pandaigdigang kongreso kontra pasismo at neopasismo, inilunsad sa Venezuela
Hindi bababa sa 1,200 mga delegado, kabilang ang 500 internasyunal na delegado, mula sa 95 mga bansa ang dumalo sa inilunsad na kauna-unahang “Congreso Mundial contra el Fascismo, el Neofascismo y Expresiones Similares” (Pandaigdigang Kongreso laban sa Pasismo, Neopasismo at Katulad na mga Ekspresyon) sa Caracas, Venezuela noong Setyembre 10-11. Dumalo sa kongreso ang kinatawan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Kabilang sa mga delegado ang mga lider panlipunan at pampulitika ng 23 estado at 3,900 konseho ng komuna ng Venezuela. Naroon rin ang mga organisasyong masa, kilusang panlipunan, mga akademiko at intelekwal, organisador at mga aktibista mula sa Latin America, Carribean, Asia, Africa, Middle East, Europe, United States, at Canada. Dumalo rin ang mga diplomatikong kinatawan ng gubyerno ng Cuba, Nicaragua, Bolivia, People’s Republic of China at Federal Russian Republic.
Itinaon ang kongreso noong Setyembre 11 kasabay ng paggunita sa anibersaryo ng pagkamatay ng pangulo ng Chile na si Presidente Salvador Allenda na pinatalsik ng papet ng US at pasistang si General Pinochet noong 1973. Napapanahon rin itong idinaos kasunod ng pagkapanalo ng mamamayang Venezuelan at ni Presidente Nicolas Maduro sa eleksyon laban sa pakikialam dito ng imperyalismong US.
Dumalo rin sa kongreso ang mga kinatawan ng International League of People’s Struggle (ILPS), International Women’s Alliance (IWA) at International Migrants’ Alliance (IMA) na mula sa Canada. Isang delegado rin ang nagmula sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).
Sa isang pahayag, ibinahagi ng ILPS ang kanilang naging maningning na karanasan sa Venezuela. “Walang mga tent city, walang karahasan sa mga kalsada, walang pila para sa mga pagkain…nasaksihan namin ang malinis at mapayapang mga kalsada, mataas na diwa, masayang aktitud, musika, at pangkabuuang entusiyasmo ng mga Venezuelan,” ayon sa grupo.
Iniulat naman ng Updates Philippines, isang pahayagan ng NDFP, na bumisita ang mga delegado ng kongreso sa mga “communas” na nangangasiwa sa produksyon sa agrikultura, gawang-kamay at iba pang produksyon ng elektronikong mga gadyet. “Natulak ang Venezuela na taasan ang lokal na produksyon ng mga produktong pangkonsumo sa harap ng nakapipilay na mga sangsyon ng US at EU,” ulat ng Updates Philippines.
Pormal na isinara ng talumpati ni Presidente Maduro ang kongreso. Aniya, umaasa siyang magiging mitsa ang kongreso ng pagsisimula ng isang pandaigdigang kilusan laban sa pasismo, kolonyalismo at imperyalismo para sa kapayapaan, demokrasya at sangkatauhan sa kabuuan. Nagkasundo ang kongreso na itatag ang Anti-Fascist International.