Balita

Pandaigdigang pagkilos laban sa korapsyon, nilahukan ng mga Pilipinong migrante

,

Nagprotesta ang iba’t ibang organisasyon sa ilalim ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot-Global sa kani-kanilang bansa noong Nobyembre 28 hangang 30 upang ipahayag ang kanilang pagkundena sa malawakang korapsyon sa Pilipinas. Pakikibahagi rin ito sa sa pambansang protesta laban sa korapsyon na ginanap sa iba’t ibang panig ng Pilipinas noong Nobyembre 30.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) International, umabot sa halos 2,000 Pilipinong migrante at mga alyado sa 30 syudad sa 23 bansa ang lumahok sa pandaigdigang pagkilos. Nanguna sa mga pagkilos ang Bayan-International, at mga balangay ng Migrante, Gabriela at Anakbayan sa iba’t ibang bansa.

Naglunsad ng mga aktibidad ang mga organisasyon, kabilang ang protesta sa embahada at konsulado ng Pilipinas, sa mga parke at sentrong syudad, talakayan, pag-aaral, open mic, film showing, selfie protest, pangkulturang pagtatanghal, pangangalap ng donasyon para sa mga nasalanta ng bagyo at namahagi ng polyeto. Ikinasa ang ma ito sa Austria, Australia, Bahrain, Belgium, Canada, France, Germany, Israel, Italy, Japan, Jordan, Kenya, Kuwait, the Netherlands, New Zealand, Qatar, Saudi Arabia, South Korea, Spain, Taiwan, Thailand, United Arab Emirates, United Kingdom, at United States.

“Ang mga Pilipino sa ibayong dagat ay nakikiisa sa mga kababayan sa Pilpinas sa panawagan na lahat ng korap ay dapat managot, at dapat magsimula ito kina Marcos at Duterte. Ang yaman natin, mga pinapadala nating remitans, at kinabukasan ng ating pamilya ang kanilang ninanakaw,” paliwanag ni Andan Bonifacio ng Bayan-International.

“Bakit kailangang manindigan at lumaban ang bawat Pilipino sa ibang bansa laban sa korapsyon ng kasalukuyang administrasyon? Dahil ang inyong pangingibang-bayan ay hindi isang ‘malayang pagpili’—ito ay resulta ng isang sistemang bulok na pinalala ng dinastiyang pulitikal at pandarambong,” pahayag ni Father Aris Miranda ng Promotion of Church People’s Response-the Netherlands.

Ayon sa grupo, ang tanging solusyon sa pagbabago ng lipunan ay sa nagkakaisang lakas ng sambayanang Pilipino, hindi lang sa pagpapabagsak kina Marcos at Duterte o pagtayo ng transition council. Ang laban kontra korapsyon o pagpapabagsak sa burukrata-kapitalismo ay isa sa mga hindi pa natatapos na rebolusyon ni Gat Andres Bonifacio para sa pambansang demokrasya. Ito ay laban na tiyak na ipagtatagumpay ng mamamayan, anito.

AB: Pandaigdigang pagkilos laban sa korapsyon, nilahukan ng mga Pilipinong migrante