Pandarahas ng mga sundalo sa mga magsasaka sa Masbate, walang awat

,

Magkakasunod na kaso ng karahasan at paglabag sa karapatang-tao ng mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang naitala sa mga bayan ng Mobo at Uson sa Masbate mula Agosto 5 hanggang Agosto 6. Hindi alintana ng AFP na ginugunita ngayong Agosto ang International Humanitarian Law.

Dagdag ang mga kaso ng karahasang ito sa umaabot 100,000 biktima sa hindi bababa sa 954 kaso ng paglabag sa karapatang-tao noong unang taon sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.

Dinakip ng pinagsanib na pwersa ng 96th IB at 2nd IB noong Agosto 5 ang mga magsasakang sina Nonoy Francisco, Bongbong Francisco at Ome Malaque sa may paanan ng Mt. Bagulayag sa hangganan ng Barangay Bonifacio at Simawa sa bayan ng Uson. Wala pang karagdagang ulat sa kanilang kasalukuyang kalagayan.

Noong Agosto 6, dinampot din at binugbog ng mga sundalo si Dante Dionan sa parehong lugar. Kasabay nito, iligal na hinalughog ang bahay ni Letot Francisco sa Sityo Malapinggan, Barangay Sawmill, Mobo. Ninakaw ng mga sundalo ang selpon ni Francisco.

Kinabukasan, walang habas na pinagbabaril ang hindi pa napangalanang isang sibilyan sa Sityo Irong-irong sa hangganan ng Barangay Mabuhay, Sawmill at Baang sa bayan ng Mobo.

Simula pa Agosto 5, humigit-kumulang 400 pasistang tropa mula sa 96th IB at 2nd IB ang sumalakay sa malaking bahagi ng naturang mga bayan para sindakin ang mga residente. Ang Mobo at Uson ay planong saklawin ng ekspansyon ng mapaminsalang operasyong mina ng Masbate Gold Project ng kumpanyang Filminera.

Noong Hulyo, naitala na ang serye ng pagpatay, kabilang ang bigong pagpaslang sa punong baryo ng Barangay Barag na si Rodolfo Ygot at pagpatay sa magsasakang si Randy Mahinay sa Barangay San Carlos, Milagros ng mga pwersang militar. Parehong tutol ang dalawang biktima sa ekspansyon ng Filminera.

Naiulat din ang plano ng militar na magtayo ng mga kampo sa mga barangay ng San Jose sa Uson at, Barangay Sawmill at Baang sa Mobo. Lahat ito ay nakapalibot sa mga lugar na sasaklawin ng pagpapalawak ng Filminera.

AB: Pandarahas ng mga sundalo sa mga magsasaka sa Masbate, walang awat