Pang-aagaw ng lupa sa Camarines Sur, kinundena ng mga magsasaka
Inirereklamo ng mga magsasaka ng Siruma at Bula sa prubinsya ng Camarines Sur ang magkahiwalay na insidente ng pang-aagaw sa kanilang mga lupa ng mga lokal na burukrata kapitalista, panginoong maylupa at negosyante.
Sa Barangay San Ramon at Salvacion, Siruma, naglunsad ng protesta noong Pebrero 18 sa Kiudkad Campsite bilang pagtutol sa iligal na pagbabakod sa kanilang komunidad. Inaagawan nito n lupa ang 150 magsasaka at benepisyaryo ng Department of Agrarian Reform (DAR) na matagal nang naninirahan sa komunidad.
Noong Enero 28, sinimulang magtayo ng bakod ng nasa 50 kalalakihan na nakasuot ng bonet sa palibot ng 300 ektaryang lupain sa barangay San Ramon at Salvacion, Siruma. Walang ibinigay na paliwanag ang mga nagtayo ng bakod o ipinakitang permit. Wala ring naunang konsultasyon sa mga residente ang lokal na ahensya ng gubyerno hinggil sa pagtatayo ng bakod.
Napag-alaman na inaangkin ng Wanderlust Land Development Corporation ang nasa 1,014 ektarya ng lupa, na sumasakop sa sentrong barangay, mga lupang may titulo, relocation site, kagubatan. lupang agrikultural at bahagi ng karagatan. Ang kumpanya ay pagmamay-ari ni Luis Raymund Villafuerte, gubernador ng Camarines Sur.
Depensa ni Villafuerte, ligal na nakuha ng kanyang kumpanya noong 2023 ang lupa. Itinuring ito na “alienable, disposable” (lupain ng gubyerno na maaring bilhin at maibenta) ng Department of Environment and Natural Resources at may certificate of non-coverage ng DAR. Pinabulaanan din niya ang paggamit ng naka-bonnet na goons. Aniya, walang naka-blotter na reklamo na magpapatotoo sa naturang insidente.
Pinabulaanan ito ng mga residente. Noong Hunyo 2025, namahagi ang DAR ng Certificate of land ownership sa kanila, saklaw ang 458 na ektarya sa naturang lugar. Tanong ng mga residente, paano nagkaroon ng titulo si Villafuerte kung nakapailalim sa DAR ang lupain?
Samantala, sa Bula, Camarines Sur, humigit-kumulang 200 residente ng Barangay Fabrica at Pawili ang napipintong mapalayas dulot ng alitan sa lupa sa pagitan ni Conrado Colarina ng Ruby Shelters Builders and Development Corporation (RSBDC) at ng pamilyang Tan, kapwa hindi mga lehitimong residente sa lugar.
Ayon sa Portico Banasi Household Farmers Association (PORBAHFA), mahigit 70 taon nang nililinang ng mga residente ang lupa. Pinagtataka ng grupo, paanong nakakuha ng titulo ang ibang tao nang hindi alam ng mga residente?
Noong Oktubre 2025, naglabas ng kautusan ang Pili Regional Trial Court (RTC) Branch 31 na nagpapalayas sa pamilyang Brizuela, isa sa mga matagal na sa lugar, sa 700 metrong lupa na nakarehistro diumano sa pamilyang Tan.
Ayon kay Ana Brizuela, may ligal na mga dokumento ang kanyang pamilya na magpapatunay na pagmamay-ari ng kanilang pamilya ang nasa 22,000 metro na lupa sa komunidad. Aniya, may hawak nila ang sertipikasyon mula sa barangay, real property assessment at sertipikasyon mula sa Ministry of Natural Resources District Land Office na ibinigay noong 1989. Sa kabila nito, lumabas na ipinagkaloob ng estado ang kanilang lupa sa ibang tao.
Ang pamilyang Tan ay kinakatawan ni Alan L. Tan, chairperson ng Rinconada Allied Cultural School, isang Chinese School at Jasaca Realty Corp, parehong nasa sa Iriga City. Maliban dito, mayroon din silang mga pagmamay-aring real estate sa Naga City.
Kailangan ng PORBAHFA na makalikom ng P300,000 para makapaghain ng kanilang petisyon laban sa pamilyang Colarina at Tan sa Regional Trial Court sa Pili, Camarines Sur.
Noong Oktubre 1, 2025, naglunsad ng piket at dayalogo ang PORBAHFA at Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB) sa Department of Agrarian Reform (DAR) Bicol Office sa Rawis, Legazpi City upang magkaroon ng kalinawan hinggil sa isyu ng land use conversions at laban sa banta ng demolisyon ng mga komunidad ng magsasaka sa Bicol.
Ayon sa KMB, maraming isyu sa lupa sa rehiyon ang dapat mapag-usapan at maresolba. Walang katiyakan ang mga magsasaka rito kaugnay sa pagmamay-ari sa lupang nillilinang. Patuloy rin silang nahaharap sa banta ng demolisyon, pananakot, at gawa-gawang mga kasong sibil.