Pang-aangkin ng pamilyang Marcos sa isang 57-ektaryang ari-arian sa Ilocos Norte, ibinasura ng korte
Ibinasura ng Korte Suprema ang pang-aangkin ng pamilyang Marcos sa isang 57-ektaryang ari-arian sa Barangay Suba, Paoay, Ilocos Norte. Ang 55-pahinang desisyon ng korte ay isinapubliko noong Setyembre 4. Ikinalugod ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (Carmma) at mga biktima ng batas militar ang naging desisyon ng korte.
“Batay sa desisyon ng Korte Suprema, ang pang-angkin ng mga Marcos sa pampublikong lupain, habang nakaupo sa Malacañang, ay isang dagdag na patunay kung paanong ginamit ng pamilya ang kanilang kapangyarihan para palakihin ang kayaman,” pahayag ng Carmma.
Nakasaad sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Marvic Leonen na labag sa konstitusyon ang kasunduan sa pagitan ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr at ng Philippine Tourism Authority (PTA) na pinirmahan noong Disyembre 20, 1978. Sa kasunduang ito, ipinaupa ng PTA ang ari-arian sa mga Marcos sa loob ng 25-taong pagpapaupa sa ari-arian sa halagang P1 kada taon.
Pinagtibay ng korte na walang kahit anong batayan ang angkinin ni Marcos Sr sa ari-ariang iyon. Ang Paoay Lake at mga katabing lugar nito ay pag-aari ng publiko at hindi pupwedeng pag-arian ng pribadong indibidwal, ayon sa korte.
Anang CARRMA, ang pagdedeklara sa ari-arian bilang “ill-gotten wealth” ay napakahalaga laluna at ito ang unang ganoong desisyon sa ilalim ng rehimeng Marcos II. Maituturing din umano itong sampal sa mukha ni Marcos Jr na paulit-ulit na nagsisinungaling na hindi nagkamal ng milyun-milyong kayamanan ang kanyang pamilya noong panahon ng diktadura.
Para sa grupo, napapanahon ang desisyon laluna at gugunitain sa darating na Setyembre 21 ang ika-52 anibersaryo ng pagdedeklara ng batas militar. “Ipinaalala sa atin na ang pakikibaka para sa hustisya at pananagutan, at paglaban sa pagbaluktot sa kasaysayan at impyunidad ay hindi pa tapos,” anang Carmma.
Umaasa ang grupo na madadagdagan pa ang mga mababawi na nakaw-na-yaman ng mga Marcos, at mas marami pang mga kasinungalingan at maling impormasyon hinggil sa “ginintuang mga taon” ng mga Marcos ang mailalantad.