Balita

Pangangamkam sa lupa ng magsasaka sa North Negros, tanda ng inutil na CARP—PKM

,

Muling napatunayan ang kainutilan ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at mga programa ng gubyerno sa reporma sa lupa sa kamakailang karahasang inihasik ng mga tauhan ng panginoong maylupa laban sa mga magsasaka sa Hacienda Escolastica, Barangay Mabini, Cadiz City, Negros Occidental noong Setyembre 30. Namaril ang mga blue guard at pribadong armadong pwersa ng panginoong maylupa na nagresulta sa pagkasugat ng pitong magsasaka.

Ayon sa mga magsasaka, sinira at ninakaw ng mga blue guards ang tanim nilang mais. Inararo din ng mga ito ang pampublikong daanan sa lugar. Labag ang mga ito sa karapatang-tao ng mga magsasaka at benepisyaryo ng lupa.

Kinundena ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-North Negros ang karahasan laban sa mga magsasaka. Ayon sa rebolusyonaryong grupo, pinatutunayan lamang ng insidente na sadyang inutil ang CARP at ang reaksyunaryong estado sa pagkakamit ng lupa para sa mga magsasaka.

Sa loob ng 22 taon, dumaan sa proseso at nagsumite ng mga dokumento ang mga magsasakang benepisyaryo ng CARP para sa kanilang karapatan sa 66 ektaryang lupa ng Hacienda Escolastica na pag-aari ni Lyndon Lim at ng pamilya Zaldarriaga. Sa katunayan, binigyan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga magsasaka ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) at Writ of Installation.

Hanggang sa kasalukuyan, inutil ang DAR sa pagpapatupad ng sariling desisyon laban sa marahas na panginoong maylupa. “Sa ganitong mga kaso at pati na rin sa iba pa, kasabwat ang DAR at lokal na gubyerno para mapanatili ang pag-aari ng panginoong maylupa sa lupa,” ayon kay Guillermo Manggubat, tagapagsalita ng PKM-North Negros.

Aniya, malinaw na pinaasa lamang ang mga magbubukid ng Hacienda Escolastica na makukuha na nila ang lupa na pinagpaguran nila sa loob ng 22 taon. Kaya naman, hindi kabigla-bigla na nagpasya ang mga magbubukid na sila mismo ang tumindig at magpatupad sa kanilang karapatang bungkalin ang lupa sa kabila ng banta ng karahasan at peligro.

Paliwanag pa ni Ka Guillermo, ipinakikita nito ang pyudal at malapyudal na pagsasamantalang dinaranas ng mga magbubukid sa isla ng Negros at sa buong basa. “Ipinakikita din nito ang pangangailangan ng agraryong rebolusyon upang wasakin ang monopolyo sa lupa at sugpuin ang pampulitikang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa sa pamamagitan ng armadong pakikibaka at rebolusyonaryong pagkilos ng masa sa kanayunan,” aniya.

Nanawagan ang PKM-North Negros sa mga kapwa nila magbubukid na “palayain ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pakikibahagi sa armadong pakikibaka at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan, ang tunay na tagapagtanggol ng bayan.” Itinutulak ng grupo ang pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa tulad ng PKM, ang Kabataang Makabayan (KM), Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) at iba pa para maitaguyod ang tunay na gubyerno ng mamamayan at isulong ang kagalingan ng mga magsasaka.

AB: Pangangamkam sa lupa ng magsasaka sa North Negros, tanda ng inutil na CARP—PKM