Panggigipit sa maralitang komunidad sa Mandaue City, nilalabanan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ng Nagkahiusang Kabus nga taga Dakbayan sa Mandaue (NAKADAMA) ang ipinaskil ng mga pwersa ng estado na mga poster na nagdedeklara sa mga pambansa-demokratikong organisasyon bilang “terorista.” Ang naturang mga poster ay idinikit sa palibot ng Cebu International Convention Center (CICC). Malisyosong idinawit sa mga poster na ito ang Kadamay, PISTON, Anakbayan, BAYAN, at AMA Sugbo-KMU sa armadong kilusan.

“Hindi na bago sa Mandaue City, laluna sa maralitang komunidad sa loob ng CICC, ang pananakot sa mga residente para pigilan ang kanilang pag-organisa at kolektibong paglaban sa demolisyon at di makataong pagpapalayas alinsunod sa planong pagtatayo ng One Stop Shop Center ng Mandaue City LGU (sa lugar),” ayon sa NAKADAMA sa isang pahayag noong Mayo 3.

Anito, walang patid ang presensya ng mga sundalo ng 14th CMO Battalion at NTF-Elcac sa komunidad sa buong buwan ng Abril para i-profile ang mga residente. Partikular na tinarget ng mga pwersa ng estado ang Tipolo Residents’ Association (TRA) na itinayo sa ilalim ng Panaghugpong Kadamay.

“Paulit-ulit na pinuntahan ang mga bahay ng mga dati at bagong myembro para kumuha ng mga impormasyon kaugnay sa mga organisador, pwersahin silang magpa-“clear” para (diumano) hindi mahirapang maghanap ng trabaho at makapagpa-aral ng kanilang mga anak,” pahayag ng grupo. Isinara pa ng mga sundalo ang ilang tarangkahan ng CICC para imonitor kung sino ang lumalabas at pumapasok sa komunidad.

Binatikos ng grupo ang meyor ng syudad na si Jonas Cortes na anito’y nakikipagsabwatan sa NTF-Elcac para supilin ang lehitimong hinaing ng mga residente na bunga ng pagpapabaya ng kanyang administrasyon sa serbisyo ng pabahay.

Kabilang sa kinundena ng grupo ang mahal at kontra-mahirap na itinayong pabahay ng lokal na gubyerno para sa mga nasunugang residente sa CICC noong 2019. Anila, animo’y sinadya ang napakamahal na “on-site” na pabahay na hindi abot-kamay ng mga residente para pwersahin silang lumayas at ibigay ang mga yunit sa may kakayahang gumastos para rito.

“Patunay ito na hindi pabahay, kundi komersyalisasyon ang oryentasyon ng ‘on-site development’ na desperadong inilulusot ng lokal na pamahalaan,” anito.

AB: Panggigipit sa maralitang komunidad sa Mandaue City, nilalabanan