Balita

Panghaharas ng 62nd IB sa mga magsasaka sa Negros Oriental, kinundena

,

Kinundena ng grupo sa karapatang-tao na September 21 Movement South Negros ang panghaharas at panggigipit ng mga sundalo ng 62nd IB at mga pwersa ng estado sa mga magsasakang residente ng Guihulngan City, Negros Oriental noong Mayo.

Ayon sa grupo, pinuntahan ng mga sundalo ang bahay ng magsasakang si Alan Garde sa Sityo Kapudlusan, Barangay Sandayao at ipinailalim siya sa interogasyon noong Mayo 15. Pinaaamin ng 62nd IB si Garde na may kaugnayan sa at tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan sa isla ng Negros.

Sa araw ding iyon, pinasok ng mga sundalo ang bahay ni Rocky Fat sa Barangay Sandayao. Hinalughog at niransak ito ng mga sundalo ayon sa grupo at pinalabas na mayroong nakumpiskang armas mula sa kanya. Tinangka ng 62nd IB na isama si Fat dahil sa “nakumpiskang armas” ngunit matapang na nanindigan ang kanyang pamilya laban dito.

Pinagbantaan ng mga sundalo ang pamilya ni Fat na huwag magsusumbong at mag-uulat sa mga upisyal ng barangay at pulis hinggil sa nangyari. Sinabi ng mga ito na kakasuhan ang pamilya kung magrereklamo.

Samantala, iniulat rin ng grupo ang pagsasampa ng kasong “terorismo” o paglabag sa Anti-Terrorism Law laban kay Bibiano Gemodo, 40 taong gulang, at kanyang kapatid na si Helaria Bardok, 38 taong gulang. Si Gemodo ay isang masasaka at gumagawa ng kasangkapan sa bahay habang si Bardok ay isang daycare worker. Ang dalawa ay residente ng Barangay Binobuhan.

“Ang hakbang na ito ng 62nd IB ay nagdulot ng takot at pangamba [sa mga sibilyan] na maharap sa kaso kahit sila ay mga inosente,” ayon sa September 21 Movement South Negros.

Sinuportahan ng grupo ang panawagan ng pamilya ng mga biktima sa Commission on Human Rights at lokal na gubyerno ng Guihulngan City na imbestigahan ang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao. Muli rin silang nanawagan ng pagpapalayas ng militar mula sa kanilang mga komunidad.

AB: Panghaharas ng 62nd IB sa mga magsasaka sa Negros Oriental, kinundena