Pangingikil ng 62nd IB ng ₱2,000 sa Negros Occidental, ibinibintang sa BHB

Desperadong ibinibintang ng mga sundalo ng 62nd IB sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros ang pangingikil ng mga sundalo ng ₱2,000 kay Bitoy Garsula sa Sityo Patag, Barangay Riverside, Isabela, Negros Occidental noong Nobyembre 23. Ginamit ng mga bulaang sundalo ang pangalan ng hukbong bayan para mangikil.

Hindi pa nakuntento, sapilitan pang pinasok at hinalughog ng 62nd IB ang bahay ng pamilyang Garsula. Ninakaw ng mga sundalo ang ilang kagamitan ng pamilya at natitira nilang pera.

Binatikos ni Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros, ang 62nd IB sa ginagawang pagnanakaw at pangingikil sa mga magsasaka sa Central Negros.

Naiulat din ang ibang kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa ibang bahagi ng Negros Occidental sa nagdaang linggo.

Sa La Castellana, binugbog ng 62nd IB sa magsasakang si Don-don Dandoy sa Sityo Buragwak, Barangay Manghanoy noong Nobyembre 29. Halos hindi makatayo ang biktima dahil dito. Sapilitan namang pinasok ng mga sundalo ang bahay ng senior citizen at magsasakang si Junior Mohaya sa Sityo Mandayao-4, Barangay Kamandag.

Nagkampo din ang mga sundalo sa barangay hall ng Barangay Mansalanao noong Nobyembre 27 habang nakahimpil simula Disyembre 3 ang isa pang yunit ng 62nd IB sa Purok 7 malapit sa eskwelahan sa Barangay Cabacungan. Ang mga aksyong ito ay labag sa internasyunal na makataong batas kaugnay sa paggamit ng mga sibilyang imprastruktura para sa mga layuning militar.

Sa Canlaon City, sapilitang pinasok ng 62nd IB ang bahay ng mga residente sa Barangay Budlasan noong huling linggo ng Nobyembre.

Sa Guihulngan City, kinampuhan ng yunit ng 62nd IB ang mga eskwelahan at bahay ng magsasaka sa mga barangay ng Basak, Tacpao, Bulado at Binubuhan noong Nobyembre 24-27.

AB: Pangingikil ng 62nd IB ng ₱2,000 sa Negros Occidental, ibinibintang sa BHB