Balita

Dalawang mamamahayag sa Tacloban, hinarang sa aktibidad na dinaluhan ni Marcos

Kinundena ng isang lokal na pahayagan sa Tacloban City, Leyte ang ginawang pagharang ng Presidential Security Group (PSG) at isang empleyado ng city hall sa dalawa nitong mamamahayag na mag-uulat sana hinggil sa pagbisita ni Ferdinand Marcos Jr sa syudad noong Abril 15. Ayon sa The Vanguard, hinaras at pinahiya ng mga nasabing upisyal ang mga mamamahayag na sina Rolly Magallanes at Jessieboy Novilla.

Ang dalawang mamamahayag ay noo’y nasa Astrodome para mag-ulat hinggil sa pagdalo ni Marcos sa pagsumpa ng mga bagong promote na guro. Kasunod nito, kinuhaan ng naturang mga upisyal ng litrato ang mga ID na suot ng dalawa at tinawag na “peke” kahit na malinaw itong nagsasaad na bahagi sila ng pahayagan.

Inilinaw ng pahayagan na koordinado ang presensya nina Magallanes at Novilla sa direktor ng Philippine Information Agency (PIA). Dagdag pa dito, batid rin mismo ng mga mamamahayag na hindi maaaring pumasok sa lugar kung saan naroroon ang presidente alinsunod sa mga protokol.

Sa kabila nito, itinaboy sina Magallanes at Novilla kahit pa nasa labas lamang sila ng Astrodome at nakikipanayam sa mga tao, na isang karaniwan at lehitimong gawain ng mga kasapi ng midya. Giit ng The Vanguard, mahalaga ang presensya ng kanilang taga-ulat sa nasabing aktibidad para makapagbigay ng wasto at napapanahong impormasyon sa publiko.

“Walang lugar sa isang demokrasya ang intimidasyon, pagharang at pampublikong pamamahiya laban sa midya. Nilalabag nito hindi lamang ang karapatan ng mga mamamahayag kundi maging ang karapatan ng publiko na malaman ang katotohanan,” ayon sa kanilang pahayag.

Kinundena rin ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP)-Leyte ang pamamahiya at pagharang sa mga mamamahayag ng The Vanguard. Bukod sa nagdulot ito ng pagkaantala sa kanilang pagtrabaho, lantaran silang pinahiya sa harapan ng mga tao sa palibot.

“Ang ganitong pagtrato ay hindi lamang usapin ng protokol kundi isang malinaw na paglabag sa prinsipyo ng kalayaan sa pamamahayag, na dapat ay itinataguyod sa anumang sitwasyon,” ayon sa NUJP-Leyte.

Nauna nang naging biktima ng panghaharas ang The Vanguard, kung saan ilang taga-ulat nito ang ni-Red tag dahil lamang sa kanilang pagiging kasapi ng NUJP.

AB: Dalawang mamamahayag sa Tacloban, hinarang sa aktibidad na dinaluhan ni Marcos