Itigil ang paglabag sa karapatan ng pahayagang pangkampus—CEGP
Ilang araw bago ang paggunita ng National Press Freedom Day sa Agosto 30, muling nanawagan ang College Editors Guild of the Philippines (CEGP) na panagutin ang mga lumalabag sa karapatan ng mga pahayagang pangkampus. Mula 2010, naitala ng CEGP ang higit 1,000 kaso ng paglabag sa kalayaan sa pamamahayag sa kampus.
Sa nagdaang taon lamang, mayroong hindi bababa sa 206 kaso ng paglabag sa pahayagang pangkampus na naisadokumento ang CEGP. Anila, lalong tumindi ang mga atake sa mga pahayang pangkampus lalo na sa unang bahagi ng taon dahil sa kanilang kritikal na pag-uulat sa panahon ng eleksyong mid-term.
Kabilang sa mga ito ang kaso ng censorship, interbensyon ng administrasyon, hindi pagbibigay ng pondo, suspensyon o expulsion sa mga mamamahayag, panghaharas, red-tagging at pagmamanman ng estado. Ayon sa grupo, ang sistematikong crackdown laban sa mga pahayagang pangkampus ay lumulubha dulot ng malawakang disimpormasyong itinutulak ng estado, censorship sa social media at pag-iral ng kultura ng kawalang pananagutan sa buong mundo.
“Matagal nang hindi napaparusahan ang mga paglabag sa kalayaan ng pahayagang pangkampus, dahil madalas itong itinuturing na walang kabuluhan ng mga administrador ng paaralan at ng gubyerno,” ayon kay Brell Lacerna, pambansang tagapagsalita ng CEGP. Aniya, kung nagpapatupad man ang ilang mga paaralan ng mga “proteksyon,” pinakabatayan lamang ang mga ito at hindi makabuluhang tinutugunan ang tunay na panawagan ng mga pahayagan.
Kasabay ng patuloy na pagtindig ng CEGP para ipagtanggol ang karapatan ng mga pahayagang pangkampus, sinuportahan ng grupo ang muling paghahain ng Kabataan Party-list noong Agosto 28 sa Campus Press Freedom Bill sa House of Representatives. Simula pa 2010, noong ika-15 Kongreso, ay ipinapanukala na ito ng partido ng Kabataan ngunit hindi umuusad dahil sa kawalang interes dito ng ibang mga kongresista at burukrata-kapitalista.
Ayon sa CEGP, layunin ng panukala na ibasura ang “hindi sapat at walang ngipin” na Campus Journalism Act of 1991. Paliwanag ng grupo, sinisikil ng napaglumaang batas ang kalayaan at independensya ng mga pahayagan sa mga unibersidad sa bansa.
Naniniwala ang CEGP na mahalaga ang kalayaan ng pahayagang pangkampus sa mas malawak na pakikibaka para sa abot-kaya at de-kalidad na edukasyon. Kaya naman, hinamon ng grupo ang mga mamamahayag pangkampus na lagpas sa paghihintay na umusad ang panukala sa kongreso, dapat nitong palakasin ang tinig para sa katotohanan at hustisya para mapakilos ang mga estudyante at mga komunidad.