Pekeng konsultasyon ng LTFRB, kinundena

, ,

Binatikos ng grupong Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide) ang inilunsad ng “konsultasyon” ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga drayber at opereytor ng dyip kahapon, Hulyo 7, sa Camp Karingal sa Quezon City. Imbes na kapakanan ng sektor ang pag-usapan, paninira sa mga progresibong grupo ang naging adyenda nito.

Anang Piston, walang ibang ginawa sa konsultasyon kundi “magpakalat ng mga kasinungalingan at pangamba sa mga tsuper at maliliit na operator na gusto lang maghanap-buhay.” Liban dito, kasuklam-suklam din umano ang natanggap nilang mga ulat na mga pulis ang “sumundo” sa mga tsuper at opereytor sa kanilang mga bahay para padaluhin sa aktibidad.

Malinaw ang layunin ng pekeng konsultasyon na buwagin ang pagkakaisa ng mga tsuper at opereytor at pigilan ang militanteng pagkilos sa pamamagitan ng red-tagging, pagpapakalat ng maling impormasyon, at sapilitang pagpapasuko sa mga lehitimong prangkisa ng mga operator sa pamamagitan ng Franchise Consolidation, ayon sa grupo.

Pinuna ng Piston ang pagdalo ni Zona Russet Tamayo, ang direktor ng LTFRB-National Capital Region, sa aktibidad bilang “panauhing tagapagsalita” sa aktibidad ng pulis. “Ganyan na ba kayo ka-uhaw sa kikbak at komisyon sa mga imported “modern” units na nilalako niyo sa mamamayan?” anang grupo.

Ilang linggo bago ang ikalawang state of the nation address ni Marcos Jr, lalong nalalantad ang tunay na mukha ng kanyang pamahalaan, ayon sa mga tsuper. “Ito ba ang update sa tinatakbong “review” daw ng OFG — ang tahasang red-tagging at pagpapakalat ng kasinungalingan?”

Sa unang taon ng rehimeng Marcos Jr, kinaharap ng mga tsuper at opereytor ang pangambang tanggalan sila ng kabuhayan gamit ang anti-mahirap at maka-korporasyong jeepney phaseout. Hinambalos din sila ng sunud-sunod at walang-ampat na pagtataas ng presyo ng langis at ibang batayang bilihin.

AB: Pekeng konsultasyon ng LTFRB, kinundena