Balita

Petisyon para kanselahin ang rehistro ng Duterte Youth Party-list, muling inihain sa Comelec

,

Nagsampa ng panibagong petisyon ang mga lider-kabataan sa Commmission on Elections (Comelec) noong Mayo 8 para ipakansela ang rehistro ng Duterte Youth Party-list dahil sa patung-patong at walang tigil na Red-tagging nito. Kung sasang-ayunan ito ng Comelec, hindi makakapagpaupo ng kinatawan ang maka-Duterteng partido sa House of Representatives kahit ito manalo.

Nanguna sa pagsasampa ng petisyon sina University of the Philippines Student Regent Francesca Duran, Polytechnic Univerity of the Philippines Student Regent Troy Cabangon, at Youth Advocates for Climate Action Philippines National Coordinator Rachelle Junsay. Kasama nila bilang abugado ang National Union of People’s Lawyers (NUPL).

Ayon sa petisyon, dapat tanggalan ng rehistro ang partido dahil sa pag-uugnay sa armadong reboolusyonaryong kilusan o Red-tagging nito sa mga progresibong kandidato sa senado at sa mga nominado ng party-list. Anila, paglabag ito sa COMELEC Resolution 11116 at Supplemental Resolution No. 11127 na nagbabawal sa anumang pagbabansag tulad ng Red-tagging na nagpapahamak sa mga grupo at indibidwal ngayong halalan.

Nakatipon ng pitong pampublikong pahayag ni Ronald Cardema, tagapangulo ng Duterte Youth, ang mga nagpetisyon na inilabas mula Pebrero hanggang Abril, panahon ng kampanya. Laman ng mga ito ang tahasang Red-tagging ni Cardema, na bago pa man mag-eleksyon ay walang tigil niya na ring isinasagawa. Ipinalaganap niya ang mga pahayag na ito sa social media.

“Paano magkakaroon ng pagbabago kung minamasama na agad ang pagkwestyon sa nasa kapangyarihan?” pahayag ni Duran. Pinatutungkulan ng UP Student Regent ang pagtindig at pahayag ng mga progresibong party-list laban sa pang-aabuso ng mga nasa gubyerno na pinatatahimik gamit ang Red-tagging.

Dagdag pa ni Duran, hindi lamang mga kandidato ang ipinapahamak ng ganitong kalakaran. Marami umanong mga estudyante ng UP ang nakararanas rin ng Red-tagging, tahasang panggigipit at iba pang tipo ng paglabag sa karapatang-tao na mula mismo sa mga pwersa ng estado.

Ayon kay Cabangon, taktika ni Cardema at ng Duterte Youth ang Red-tagging para lasunin ang utak ng mga kabataan at hilahin pababa ang mga kalaban nitong pratido. “[Ginagawa niya ito] para lamang manalo sa eleksyon nang walang malinaw na panukalang batas at plataporma para tugunan ang kagyat na mga pangangailangan ng kabataan, na sinasabi nilang kinakatawan nila,” ayon pa sa PUP Student Regent.

Liban sa kaso ng Red-tagging, binatikos ng dalawang rehente ang pekeng pagkatawan nito sa interes at kagalingan ng mga kabataan. Kabilang ang partido sa 55.1% o 86 sa 156 nagrehistrong partido para sa eleksyong party-list na mula sa dinastiyang pulitikal, malalaking negosyo at militar o pulis; nahaharap sa mga kaso ng korapsyon, may di mapagkakatiwalaang adbokasiya o di kaya’y walang isinasapublikong sapat na impormasyon.

Noong Abril, naghain ng Motion to Urgently Resolve ang Kabataan Tayo ang Pag-asa (KTAP) sa naunang kaso ng diskwalipikasyon laban sa Duterte Youth na nakabinbin mula pa noong 2019.

AB: Petisyon para kanselahin ang rehistro ng Duterte Youth Party-list, muling inihain sa Comelec