Balita

Pilipinong imigrante, pinagkaitan ng refugee status ng gubyerno ng Japan

, ,

Ibinasura ng Tokyo High Court ng Japan noong Hulyo 9 ang aplikasyon para sa refugee status ni Edsel Villena, Pilipinong imigrante at kasalukuyang tagapagsalita ng Migrante Japan.

Ayon sa korte, walang sapat na ebidensya na nagpapatunay na si Villena ay tinutugis sa Pilipinas at hindi nito kinalala na siya ay isang aktibista.

Dating myembro ng unyon at nag-oorganisa ng mga manggagawa sa Laguna si Villena.

Nagpasya siyang pumunta sa Japan noong 2005 para sa kanyang kaligtasan matapos ang Red-tagging sa kanya, sunud-sunod na pamamaslang sa mga aktibista at lider managagawa kabilang ang kanyang mga katrabaho, at pasistang panunugis ng rehimeng Arroyo. Nagdesisyon siyang tumuloy sa Japan dahil may mga kamag-anak siya rito at may balangay ang mga pambansang demokratikong organisasyon ng mga Pilipino na pwede niyang hingan ng tulong.

Dumaan sa proseso ng pagsasampa ng petisyon para sa refugee status mula pa 2016. Matapos nang halos 10 taon, tuluyang ibinasura ng korte ang kanyang petisyon noong Hulyo 9.

“Sabi ng korte, peke daw ang mga ebidensya na ipinasa ko, paano ko mapapatunayan na hindi ito totoo? Malinaw sa mga dokumento na pinasa ko na ako ay tinutugis at ginigipit bago ako pumunta sa Japan,” paliwanag ni Villena.

Ayon kay Atty. Jun Sasamoto, abogado ni Villena, hindi kinilala ng korte na aktibo siya sa kanyang pagpuna sa gubyerno ng Pilipinas simula nang dumating siya sa Japan. “Sa mga kaso hinggil sa pag-aplay ng refugee status, ang imigrante ay hinihingan ng sobra-sobrang ebidensya ng korte, samantalang sila ay tumatakas para ipagtanggol ang kanilang buhay. Hindi sila pumunta sa Japan na may sapat na ebidensya sa sila ay refugee.”

“Sa aking opinyon, hindi katanggap-tanggap ang desisyon na ito. Hindi ito tugma sa internasyunal na pamantayan. Batay sa UN High Commissioner for Refugees, dapat kinikilala na ang mga refugee ay tumakas sa kanilang bansa na tanging damit na suot lamang ang kanilang dala. Nakasaad ito na gabay sa pagkilala sa mga refugee ngunit hindi ito sinunod ng korte,” paliwanag ni Sasamato.

“Kung tatalikuran ng gubyerno ng Japan ang mga tao tulad namin, maituturing na kasabwat sila ng pagsistang gubyerno na aming tinakasan,” paliwanag ni Villena.

Kinokonsidera nila Sasamoto na maghain ng apela sa Korte Suprema ng Japan.

Ayon kay Villena, hindi rin siya umaasa na tutugunan ng Japan ang kanyang mungkahi. Aniya, “kilala ang Japan na hindi kumikilala sa mga refugee, dahil sa desisyon na ito ay maoobliga akong umuwi. Kung may mangyari sa aking masama, ang Japanese Immigration Bureau at gubyerno ng Japan ang may kasalanan. Wag niyo siyang kalimutan.”

AB: Pilipinong imigrante, pinagkaitan ng refugee status ng gubyerno ng Japan