Piston at Manibela, nagsanib pwersa sa Mendiola
Magkasamang nagmartsa tungong Mendiola sa Maynila sa ikalawang araw ng tigil-pasada noong Disyembre 15 ang grupo ng mga tsuper at opereytor na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Samahang Manibela Mananakay at Nagka-Isang Terminal ng Transportasyon (Manibela), at kanilang mga tagasuporta. Ito ay para singilin at panagutin si Ferdinand Marcos Jr sa public utility vehicle (PUV) phaseout sa tabing ng sapilitang konsolidasyon ng prangkisa at bogus na “modernisasyon.” Sigaw nila: Marcos traydor sa tsuper, walang puso sa komyuter, tuta ng korporasyon at dayuhan!
Sa Mendiola, ipinahayag nila ang kanilang galit sa kawalang-kibo ng rehimeng US-Marcos sa panawagan ng mamamayan. Inianunsyo ng dalawang grupo ang plano nitong ituloy ang malawakang tigil-pasada at kilos protesta sa susunod na linggo hanggang hindi ibinabasura ang PUV phaseout.
Noong Disyembre 12, inanunsyo ni Marcos na hindi iaatras ng kanyang rehimen ang dedlayn sa sapilitang konsolidasyon ng prangkisa.
Binatikos din ng Piston ang inilabas na Memorandum Circular 2023-051 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kahapon, na nagsasabing papayagang makabyahe ang mga yunit na nag-file na ng konsolidasyon kahit hindi pa aprubado ng ahensya. Itinuring ito ng Piston na isang “pailalim” na hakbang ng ahensya para hatiin ang hanay ng mga tsuper at nagpapatunay na palpak ang iskema ng sapilitang konsolidasyon.
Tinatayang aabot sa 33,224 na dyip at UV Express sa buong National Capital Region ang hindi na makapagbyahe kapag itinuloy ang dedlayn. Halos 70% ng lahat ng dyip at 60% ng lahat ng UV Express ang mawawala sa NCR sa Enero 2024. “Lumalabas na talagang hindi uubra yung dedlayn na ginawa nila. Palpak talaga ang sistema,” giit ng Piston.
Ito ang pamasko ni Marcos sa halos 140,000 na drayber, 60,000 na maliliit na opereytor, at higit 28.5 milyong komyuter na sasagasaan ng sapilitang konsolidasyon, ayon sa mga tsuper. Malinaw itong “masaker sa kabuhayan, sakuna sa transportasyon, at malawakang pangungulimbat sa napakaliit na ngang kita at sahod ng mga mananakay,” giit nila.
Samantala, mistulang magnanakaw sa gabi na tumakas si Marcos mula sa pangangalampag ng mga tsuper at opereytor nang pumunta ito sa Japan noong Disyembre 15 para patuloy na ibenta ang Pilipinas sa dayuhang namumuhunan sa pulong sa ASEAN-Japan.
Ayon sa Piston at Manibela, tuluy-tuloy na lalabanan ng mga tsuper, opereytor at mamamayan ang sapilitang konsolidasyon at palpak, pahirap, at huwad na PUV Modernization Program. Tinatanaw ng Piston na ibayong “isandal sa pader” ang rehimeng Marcos at papanagutin ito sa pagmasaker sa kabuhayan ng maralitang Pilipino.