Balita

Daan-daang drayber at opereytor, nagmartsa tungong Mendiola kontra PUV phaseout

,

Nagmartsa ang mahigit isanlibong drayber at opereytor ng dyip at mga public utility vehicle (PUV), mga manggagawa, maralita at iba pang sektor mula sa Welcome Rotunda tungong Mendiola sa Maynila noong Nobyembre 22, huling araw ng tatlong-araw na tigil-pasada, para batikusin ang kontra-mahirap na sapilitang konsolidasyon sa prangkisa at phaseout sa mga dyip at PUV. Pinangunahan ang malawakang pagkilos ng Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide) at No To PUV Phaseout Coalition.

Ayon sa No To PUV Phaseout Coalition, nananatiling walang makabuluhang tugon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Transportation, at ang buong administrasyong Marcos Jr sa mga simpleng kahingian ng sektor kaya makatarungan lamang ang inilunsad na tigil-pasada at martsa.

“Nananatili pa rin ang dedlayn sa konsolidasyon sa Disyembre, ang taunang renewal ng prangkisa, at ang palpak, pahirap, at di makataong PUV Modernization Program. Sa madaling sabi, nananatili ang taning sa ating kabuhayan,” giit ng mga drayber.

Sa unang araw ng welga ng Piston at ng koalisyon noong Nobyembre 20, natulak ang LTFRB na harapin at makipagdayalogo sa kanila. Sa kabila nito, puro satsat at pangakong “pag-aaralan” ang hinaing ng mga tsuper at opereytor ang ipinahayag ng ahensya.

Sagot dito ni Ka Mody Floranda, tagapangulo ng Piston, “Pinasimple na natin ang ating demands—tanggalin ang dedlayn, tanggalin ang konsolidasyon, ibasura ang phaseout. Ang sagot ng LTFRB, puro ‘pag-aaralan’, puro paasa.” Aniya, hindi na mahintay ng kumakalam na sikmura ng mga tsuper at opereytor ang “pag-aaral” ng LTFRB.

Himutok pa ng lider-tsuper, “gaano pa katagal pag-aaralan yan, eh sa Disyembre 31 na ang dedlayn? Pinaasa lang ang mga tsuper at operator para magmukha sa madla na may malasakit ang LTFRB.”

Sa tatlong araw, inilunsad ng Piston at mga tagasuporta nito ang mga protesta at tigil-pasada sa Metro Manila, mga syudad ng Baguio, Cebu, Iloilo, Bacolod at Davao, at sa Rizal, Cavite, Laguna, at Albay.

Tigil-pasada sa Metro Manila

Malawakan ang naging epekto ng tigil-pasada ng Piston sa Metro Manila. Naitayo ng mga organisasyon ang higit 17 sentro ng protesta sa buong rehiyon kung saan inilunsad ang mga pag-aaral, pangkulturang pagtatanghal, piket at iba pang aktbidad. Sa kabila ito ng pananakot at panggigipit ng mga pulis at armadong pwersa ng estado laban sa mga lider at myembro ng Piston.

Sa unang araw ng welga, umabot sa 85% ng mga mayor na ruta ng Metro Manila ang tinatayang naparalisa. Tinatayang 90% ng mga ruta naman ang paralisado noong Nobyembre 21.

Paglaban sa mga prubinsya

Nailunsad din ng mga tsapter ng Piston at No To PUV Phaseout Coalition ang mga protesta sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa Baguio City, pinangunahan ng Piston-Metro Baguio ang pagkilos ng mga tsuper at opereytor sa Sunshine Park.

Sa Southern Tagalog, naitala ng Starter-Piston ang pagparalisa sa mayor na mga ruta ng dyip sa Laguna at Cavite. Mula unang araw ng welga hanggang Nobyrembre 22 sa Laguna, naparalisa ang mga ruta ng Balibago-Sta Rosa; Amar-Balibago; Pulo-Cabuyao; Cabuyao-Sta. Rosa, Laguna; Calamba-San Pedro at ibang ruta sa New Calamba Transport Terminal. Sa Cavite, naparalisa ang mga ruta ng Kalinisan-Bacoor; Trece Martires; Silang-Bacoor; GMA-Palapala at sa Paliparan. Samantala, 60% ang pagkaparalisa sa Cogeo sa Rizal.

Sa Bicol, naging matagumpay ang tigil-pasada sa prubinsya ng Albay. Halos 100% ang pagkaparalisa sa mga ruta sa ikatlong distrito; mahigit 50% sa ikalawang distrito; at 98% sa rutang Sto. Domingo-Legazpi City.

Sa Western Visayas, 100% nagtigil-pasada ang mga tradisyunal na dyip noong Nobyembre 20 habang 60% ang nagtigil-pasada mula sa mga modern dyip. Naitala ang 60% pagparalisa sa Bacolod City at 80% sa Talisay City.

Sa Cebu, umabot sa 60% ang paralisasyon sa Metro Cebu noong Nobyembre 22. Nagmartsa ang mga tsuper at opereytor tungong upisina ng LTFRB Region 7 sa pagkatapos ng kanilang programa. Sa Davao City, pinangunahan ng Transmission-Piston ang pagkilos ng mga tsuper noong Nobyembre 20.

AB: Daan-daang drayber at opereytor, nagmartsa tungong Mendiola kontra PUV phaseout