Tagumpay ang tigil-pasada, deklarasyon ng mga drayber ng jeep

Dulot ng malawakang epekto at pagkaparalisa ng mga ruta sa Metro Manila bunsod ng inilunsad ng tigil-pasada ng mga pampublikong transportasyon, natulak ang Malacañang na makipag-usap sa grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Manibela kahapon. Iniulat ito ng tagapangulo ng Piston na si Mody Floranda ngayong araw.

Naganap ang pagpupulong kahapon sa Malacañang kasama si Floranda at Manibela Transport Group Chairman Mar Valbuena kaharap sina Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil at Office of the Executive Secretary Undersecretary Roy Cervantes.

Ayon sa Piston, “Bunsod ng ating malapad na pagkakaisa at sama-samang pagkilos, natulak ang Malacañang na mangakong pag-aaralan o ire-review ang mga nilalaman ng Omnibus Franchising Guidelines (OFG) hanggang Disyembre 31, 2023.” Paliwanag ni Floranda, sa isasagawa umanong rebyu ay nangako ang Malacañang na magiging bahagi ng buong proseso ang mga tsuper, operator, at komyuter.

Anang mga tsuper at opereytor, “Bagama’t hindi pa ito ganap na pagbasura sa OFG at programang phaseout, panimulang tagumpay pa rin itong maituturing dahil naitulak nating tumugon ang Malacañang at napatunayan natin ang bisa at lakas ng ating sama-samang pagkilos.”

Nauna nang iniulat ng Piston na sa unang araw ng tigil-pasda, naparalisa ang 89% ng mga syudad sa Metro Manila. Maraming unibersidad at syudad ang nagkansela ng kani-kanilang mga klase dahil sa naturang pagkilos. Liban dito, nagprotesta at sumuporta ang mga tsuper, operator at komyuter sa buong bansa.

Nagpasalamat ang Piston sa lahat ng tsuper at opereytor sa buong bansa sa kanilang lakas, determinasyon at pagkakaisang ipinamalas sa ginanap na transport strike kontra-PUV phaseout. Ayon pa sa kanila, “nagpapasalamat kami sa mainit na suporta, malalim na pag-unawa, at mahigpit na pakikiisa ng mamamayang Pilipino mula sa iba’t ibang sektor.”

Banta ng grupo, kung hindi magpapatupad ng substansyal na aksyon si Marcos Jr para sa kabutihan ng sektor, handa umano silang kumilos muli at “hindi mangingiming maglunsad ng mas malalaking tigil-pasada.” Dagdag pa nila, “pansamantala lamang nating ititigil ang tigil-pasada at patuloy na ilalaban ang ating mga panawagan.”

Sa huli, nanawagan si Floranda na kagyat na palayain ang tatlong tsuper na inaresto dahil sa paglahok sa transport strike kahapon sa Alabang, Muntinlupa City.

AB: Tagumpay ang tigil-pasada, deklarasyon ng mga drayber ng jeep