Petisyon kontra PUV phaseout, isinampa ng mga tsuper at opereytor sa Korte Suprema
Nagsampa ng petisyon ang mga grupo ng tsuper at opereytor ng pampublikong pampasaherong sasakyan (public utility vehicle o PUV) sa Korte Suprema noong Disyembre 20 para pigilan ang implementasyon ng PUV phaseout sa darating na Enero. Hiniling nila, sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston), na maglabas ng temporary restraining order laban sa Department Order (DO) 2017-011 o Omnibus Franchising Guidelines (OFG), at iba pang mga katulad na patakaran ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagtutulak sa sapilitang konsolidasyon ng prangkisa bago matapos ang taon.
Kasabay nito, nagpiket sa harap ng Korte ang may 400 tsuper at opereytor, at ang grupong Manibela (Samahang Manibela Mananakay at Nagka-Isang Terminal ng Transportasyon).
Sa petisyon nito sa Korte, inilatag nila na taliwas ang naturang programa sa kanilang karapatan sa malayang asosasyon ang sapilitang konsolidasyon. “Ang garantiya ng konstitusyon sa malayang asosasyon ay kinabibilangan ng kalayaang hindi pumaloob sa asosasyon,” ayon sa petisyon.
Pinipilit ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gubyerno ang mga opereytor na ikonsolida o isuko ang kanilang indibidwal na prangkisa para maging isang prangkisa na lamang na nakapailalim sa isang kooperatiba o korporasyon. Isinaad din nila sa petisyon na walang karapatan ang sinuman na pilitin silang bumuo o sumama sa anumang asosasyon.
“Ang pagbawi sa prangkisa dahil sa hindi pagsali sa kooperatiba ay labag sa karapatan ng mga drayber at operator,” pahayag ni Mody Floranda, pambansang pangulo ng Piston. Aniya, “tatanggalan sila ng kabuhayan sa batayan ng hindi nila pagsali sa mga kooperatiba.”
Kung matutuloy ang dedlayn ng sapilitang konsolidasyon sa Disyembre 31, tinatayang nasa 30,862 ng mga yunit ng dyip at 4,852 yunit ng UV Express ang hindi makapapamasada sa National Capital Region (NCR) dahil hindi ito nagkonsolida. Mawawalan ng kabuhayan ang halos 64,000 na mga tsuper at 25,000 na mga opereytor sa NCR. Gutom ang idudulot nito sa halos 20,000 pamilya sa buong NCR.
Sa buong bansa, nasa 64,639 yunit ng PUV ang hindi nagkonsolida at mawawalan ng trabaho ang may 140,000 tsuper at 60,000 opereytor. Maaapektuhan nito ang 28.5 milyong pasahero.
“Napatunayan nating walang puso si Marcos Jr dahil sa malawakang kawalan ng trabaho at malubhang transport disaster ang ibubungad niya sa bagong taon,” giit ni Floranda. Kaya ang hiling umano nila sa Korte Suprema ay kaagad na aksyunan ang kanilang petisyon para isalba hindi lang ang kabuhayan ng mga tsuper at operator, kundi ang kapakanan ng mga komyuter.
Muling naglunsad ng tigil-pasada ang grupong Piston at Manibela simula Disyembre 21 para igiit ang pagbabasura sa sapilitang konsolidasyon ng prangkisa at sa PUVMP.