Planong demolisyon sa Marikina, napigilan ng mga residente
Matagumpay na napigilan ng mga residente ng Agora, Barangay Sto. Nino, Marikina ang planong demolisyon sa kanilang mga tahanan noong Oktubre 15. Nangako si Marcy Teodoro, kinatawan ng Marikina sa Kongreso, na ililipat sila sa Donya Petra, Barangay Tumana. Ayon sa mga residente, inisyal lamang itong tagumpay, dahil hindi pa pinal ang relokasyon at pagsasaayos ng paglilipatan sa kanila.
Mahigit 53 maralitang pamilya ang nanganganib na mapalayas sa “Agora harap” sa kabila ng kanilang mahigit 40 taon na paninirahan sa lugar. Noong 2023, mahigit 30 pamilya na ang nademolis at ngayon ay nagsisiksikan sa mga tent sa loob ng barangay. Nanganganib din ang nasa 55 pamilya sa looban ng Agora na mawalan ng tirahan kung matuloy ang demolisyon. Pinipilit ng lokal na pamahalaan na lumikas sila sa barangay kapalit ng ₱20,000. Malayong hindi ito sapat para makapagtayo ng bahay.
Noong 2022, inilabas anng court order para sa demolisyon subalit naiuusod ang pagpapatupad dahil sa paglaban ng mga residente. Ang Agora compound ay ang kabahayan sa tabi ng Marikina Engineering Office at Marikina Transportation Office sa Gil Fernando Avenue. Iginigiit ng pamilyang Castano na pag-aari nito ang lupa sa bahaging malapit sa Marikina Engineering Office.
Noong Oktubre 14 ng gabi, nagtayo ng kampuhan ang mga residente sa Gil Fernando Avenue, kilalang ‘food strip’ sa Marikina City, para bantayan ang kanilang mga bahay laban sa planong demolisyon sa kanilang komunidad. Naglunsad ng programa mga residente upang pagtibayin ang kanilang pagkakaisa sa laban. Nagpahayag ng pakikiisa si Sarah Elago, kinatawan ng Gabriela Women’s Party sa kongreso at si Mimi Domingo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).