Planong maging Speaker o lider ng minorya sa Kongreso ni Paolo Duterte, sinupalpal
Kinundena ng ACT Teachers Party-list ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na humihikayat sa kanyang kapatid na si Davao City District 1 Rep. Paolo Duterte na tumakbo sa pagka-Speaker ng House of Representatives o di kaya ay lider ng House Minority.
Ayon kay House Deputy Minority Leader ACT Teachers Rep. France Castro, tumakbong senador sa ilalim ng Koalisyong Makabayan, ipinakikita ng pahayag ng bise presidente na itinuturing ng mga Duterte na isang “korporasyon” ng kanilang pamilya ang gubyerno.
“Ang tahasang pagtatangkang ito na imonopolisa ang susing mga pusisyon ng gubyerno ay nagpapakita ng kanilang walang pakundangang pagsasantabi sa demokratikong mga prinsipyo at nagsisiwalat sa kanilang tunay na intensyon ng pagkokonsolida ng kapangyarihan sa loob ng kanilang pamilya,” aniya.
Pagdidiin ni Rep. Castro, ang pampublikong pusisyon ay isang public trust at hindi isang bagay na pinagpapasa-pasahan sa loob ng pamilya. “Sa partikular, ang pusisyon ng Minority Leader ay mahalaga para tiyakin ang check and balance sa ating demokrasya,” pahayag pa ng gurong mambabatas.
Dapat umanong hawakan ang pusisyon ng isang mambabatas na tunay na kumakatawan sa alternatibong mga pananaw at hindi ng sinumang gagamitin ito para sa sariling interes ng kanilang pamilya.
Ang pusisyon ng Speaker ay kasalukuyang hawak ng pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na si Martin Romualdez. Tinatayang mapananatili ni Romualdez ang kanyang pusisyon sa pagkaluklok ng bagong mga kongresista sa ika-20 Kongreso. Ang mga Marcos ay matinding katunggali ngayon ng mga Duterte kasunod ng isyu ng impeachment laban kay Sara at pagkakakulong ni Rodrigo Duterte sa International Criminal Court.
Matapos ang mga usaping ito, hibang na inangkin ng mga Duterte ang pagiging “oposisyon.” Muli itong itinampok ni Sara Duterte matapos ang eleksyong 2025 at sinabing bubuuin at pamumuuan niya ang isang “makapangyarihang oposisyon.”
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), walang kahit anong kredibilidad si Sara para magsilbing oposisyon laluna at dati siyang bahagi ng naghaharing koalisyon ng mga Marcos at Duterte. “Batbat [ang koalisyon] ng korapsyon, mga paglabag sa karapatang-tao, at pag-abuso sa kapangyarihan,” ayon sa Bayan.
Naniniwala ang grupo na ang tunay na intensyon ni Sara sa pagdedeklara bilang “oposisyon” ay para palakasin ang impluwensya, magkonsolida ng kapangyarihan at takasan ang kanyang mga krimen sa taumbayan. “Tuso siyang nagpakilala bilang isang oposisyon upang makalikom ng suporta sa kanyang pansariling layunin na takasan ang hatol sa paglilitis ng impeachment sa Senado,” pahayag ng grupo.
Anang grupo, ang tunay na oposisyon ng bayan ay pumupuna sa paksyon kapwa ng mga Duterte at Marcos para panagutin sa kanilang mga krimen sa mamamayan.