Planong offshore wind farm sa Ilocos Norte, tinututulan
Naglunsad ng fluvial parade ang mga mangingisda sa Pagudpud sa Ilocos Norte noong Abril 20 bilang bahagi ng pagtutol sa planong pagtatayo ng BuhaWind Offshore Windfarm sa baybay ng Pasuquin, Burgos, Bangui, at Pagudpud. Nagpahayag ng suporta sa laban ng mga mangingisda at residente ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya).
Mula sa datos ng rehistradong mangingisda ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, aabot sa 6,339 na mangingisda mula sa apat na munisipyo ng Ilocos Norte ang maaapektuhan ng proyektong ito. Hindi pa kasama dito ang mga hindi rehistrado na mangingisda.
Ang proyekto ay isang 2,000-MW floating windmill na nagkakahalaga ng ₱360 bilyon. Ito ay proyekto ng isang Danish na kumpanya sa enerhiya na Copenhagen Energy, at PetroGreen Energy Corporation na pag-aari ng PetroEnergy Resources Corporation ng mga Yuchengco. Itatayo ang windfarm isa hanggang 18-kilometro ang layo mula sa babayin na may lalim na 80-800 metro.
Sa plano ng kumpanya, hindi pahihintulutan na makapalaot ang mga mangingisda sa naturang erya sa loob ng tatlong taong konstruksyon ng windfarm. Kahit pagkatapos ng konstruksyon, posibleng hindi na papayagan lumapit ang mga mangingisda sa palibot ng wind turbine na saklaw ng 50 meters radius kung kaya’t malilimitahan ang pangisdaan.
“Nangangahulugan ito ng pagkawala ng tradisyunal na pangisdaan ng mga mangingisda. Batid namin ang kahalagahan ng alternatibong enerhiya mula sa karaniwang marumi at di-sustenableng fossil fuel, subalit hindi dapat nito masagasaan ang karapatan ng mga mangingisda at ang kalikasan,” ayon kay Ronnel Arambulo, ikalawang tagapangulo ng Pamalakaya at kandidato sa pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.
Dagdag ng Saluadan, grupo ng mga maka-kalikasan sa Ilocos Norte, bukod sa malawak na pagkawala ng kabuhayan ay mayroon din itong banta sa pagkasira ng kalikasan. Ayon sa isang pag-aaral ay magdudulot ang proyekto ng “noise pollution” sa ilalim ng dagat, pagkasira sa mga natural na tirahan ng isda, at posibleng maapektuhan ang populasyon ng isda at iba pang yamang dagat.
Anang grupo, “matagal nang sentro ng renewable energy ang Ilocos Norte, ngunit hindi nararanasan ng mga mamamayan nito ang benepisyo.” Sa karanasan sa prubinsya, ang kuryenteng nalilikha ng mga wind at solar farm ay direktang napupunta sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at ibinebenta sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) kung saan ang malalaking korporasyon ang nakikinabang kaysa sa mga mamamayan.
Sa dayalogo ng Samahan Para sa Reporma ng Kooperatiba (SPARK) sa Ilocos Norte Electric Cooperative (INEC), sila mismo ang nagsabi na tanging 60-MW ang pangangailangan sa kuryente ng prubinsya. Malayong-malayo ito sa libu-libong MW na napoprodyus ng mga wind mill. “Kaya kung gusto sana talaga nilang gawin yung pangako nila dati na bababa ang singil ng kuryente, magagawa naman nila,” ayon sa Saluadan.
Giit ng grupo, dapat unahin ng gubyerno ang kapakanan ng mamamayan sa halip na mga proyektong nakatuon sa kita ng mga malalaking negosyo. “Sa halip na mawalan ng hanapbuhay ang mga mangingisda at sirain ang yamang-dagat, dapat itong magpokus sa pagbibigay ng makabuluhang suporta sa mga mangingisda—kabilang ang modernong kagamitan sa pangingisda at mga programang tunay na magpapalakas sa kanilang kabuhayan,” pahayag nito.
Dagdag pa ng Saluadan, ang tunay na pag-unlad ay hindi kailangan maisakripisyo ang kabuhayan ng mamamayan at ang kalikasan. “Hindi namin hahayaan na ialay ang probinsya namin para sa ganansya ng mga dayuhan at malalaking negosyante,” paninindigan ng grupo.