Planong pamomomba sa Northern Negros Natural Park, napigilan

,

Nagawang pigilan ng reklamo at apela ng mga residente ang nakatakda sanang pamomomba ng 303rd IBde sa Mt. Mandalagan na sakop ng Barangay Minapasuk, Calatrava, Negros Occidental. Iniulat ito kanina ng lokal na radyo sa bayan ng San Carlos matapos kumpirmahin sa kanila ni Lt. Col. Jjay Javinez ang pag-atras ng naturang plano.

Ayon sa ulat, hindi umano pumayag ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa planong tatlong-araw na ‘test fire’ ng mga sundalo sa naturang bundok dahil bahagi ito ng Northern Negros Natural Park (NNNP), isang “protektadong erya.”

Mula sa impormasyon ng mga residente ng Calatrava, nagsagawa ng inspeksyon noong nakaraang mga linggo ang lokal na tim ng DENR sa target na lokasyon ng pamomomba ng militar. Napag-alaman sa inspeksyon na matatamaan ng pamomomba at isasapanganib ang mga halaman at hayop na matatagpuan sa NNNP. Binigyang-diin ng tim na nag-inspeksyon na ang lugar ay isang “susing biodiversity area, at hindi bomb test area.”

Susi sa pag-atras ng planong pamomomba ang pagtutol ng mga residente dito. Iginiit nila na masisira nito ang kalikasan, palalayasin ang mga sibilyan at magdudulot ng takot at troma sa mga residente.

Bago nito, naiulat na noong nakaraang mga linggo ay pinag-utos ng mga sundalo ang pagbabakwit ng mga residente sa ilang sityo sa lugar at nais ideklara ang lugar na “no man’s land.”

Nakatakdang ipagdiwang ng mga taga-Negros ang unang Northern Negros Natural Park Day sa darating na Agosto 14-15 para patampukin ang pangangalaga at pagprotekta sa naturang kabundukan.

Samantala, maghahanap umano ng bagong lugar ng bomb test ang mga sundalo para ituloy ang kanilang naunsyaming plano.

AB: Planong pamomomba sa Northern Negros Natural Park, napigilan