Pope Francis, pinagpugayan ng mga demokratikong organisasyon
Nagpahayag ng pakikiisa sa pagluluksa ng buong Simbahang Katoliko ang mga demokratikong organisasyon sa pagpanaw ni Pope Francis noong Abril 21. Pumanaw ang lider-simbahan sa edad na 88 taong gulang.
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan, “maaalala si Pope Francis bilang lider espiritwal na gumabay sa mga nananampalataya na magsalita laban sa hindi pagkapantay-pantay, diskriminasyon at lahat ng porma ng pang-aapi. Itinuro niya ang halaga ng pagmamahal, kapayapaan, at higit sa lahat, ang kapangyarihan ng pagkakaisa. Ang kanyang mga turo ay mananatili, magpapatuloy ang kanyang pamana at ipagpapatuloy ng mga masa ang misyon para sa mas maaliwalas na bukas.
Inihayag ni Kej Andres, National Chairperson ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) ang paghanga kay Pope Francis ng mga kabataan mula sa iba’t ibang denominasyon lalo’t higit sa pambihirang adbokasiya at paninindigan ng Santo Papa sa pagsusulong ng karapatan ng mga karaniwang naisasantabi sa lipunan kabilang na ang mga migrante, kababaihan at mahihirap.
Ayon sa Migrante International, “sa lumipas na taon, bilang minamahal na lider espiritwal, tumindig si Pope Francis laban sa pwersahang migrasyon at sa ugat ng kahirapan at sosyal na karahasan. Bilang boses ng ekumenismo, nagbigay-inspirasyon siya sa mga Kristiyano na magkaisa sa ministeryo para sa lahat ng tumatawid ng mga hangganan para sa magandang buhay para sa kanilang mga pamilya.”
Nakiisa rin sa pagdadalamhati ang Bahaghari, organisasyon ng LGBTQ+. Anila, “nakilala si Pope Francis sa kanyang adbokasiya para sa mga progresibo ngunit kontrobersyal na tindig, lalo na sa relasyon ng simabahan at komunidad ng LGBTQ+, kung saan nagpakita siya ng maluwag na pagtanggap sa mga LGBTQ+ kumpara sa mga nauna sa kanya.” Umaasa ang grupo na ang mga adbokasiya ni Pope Francis ay “maging mitsa upang signipikanteng talakayin ang mas inklusibo na lipunan at mas mapagtanggap na Simbahan, lalo na sa mga nasa komunidad ng LGBTQ+.” dagdag ng Bahaghari.
Umaasa rin ang Kilusang Mayo Uno na ang hinahangad ni Pope Francis para sa uring manggagawa ay patuloy na maging inspirasyon sa mga manggagawa sa buong mundo para magkaisa para sa nakasasapat na sahod, disenteng trabaho at higit sa lahat, buhay na may dignidad.
Ayon sa Children’s Rehabilitation Center at Salinlahi Alliance for Children’s Concerns, organisasyon para sa kagalingan ng mga bata, “ang kanyang paninindigan para sa hustisya at kapayapaan ay walang patid. Ang kanyang makapangyarihang boses laban sa karahasan sa Gaza at lahat ng porma ng paglabag sa karapatang-tao ay habambuhay na magbibigay inspirasyon sa amin para lumaban para sa mas makatarungan na mundo. Ang kanyang panawagan para wakasan ang paghihirap at alitan ay pamalagiang paalala sa matinding pangangailangan ng mundo ng pagmamalasakit at pag-unawa”.
Sa loob ng 12 taong, nagsilbi si Pope Francis bilang pinuno ng Simbahang Katolika. Bumisita siya sa 68 bansa na dala ang mensahe ng kapayapaan, katarungan, pagkakaisa, pagmamalasakit at pag-big sa kapwa tao.