Programang kumpensasyon para sa mga biktima, pinalawig
Nirebisa noong Mayo 15 ng Department of Justice ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No, 730, ang batas na nagbibigay ng danyos sa mga biktima ng “unjust imprisonment and detention” at mga biktima ng mararahas na krimen. Alinsunod sa batas na ito, binuo ang Board of Claims para maging daluyan ng kumpensasyon sa mga biktima.
Sa nirebisa na IRR, pinalawig ang saklaw na mga krimen, gayundiin ng mga benepisyaryo ng batas. Maari nang humingi ng kumpensasyon ang mga biktima ng karahasan laban sa kababaihan at bata, mga bata na biktima ng online na sekswal na pang-aabuso at pagsasamantala, pagdukot, biktima ng trafficking at sapilitang pagkawala at kanilang pamilya. Maari ring maghanap ng kumpensasyon ang mga di makatwiran na inakusahan, na sinentensyahan at nakulong at kalaunan ay pinalaya dahil sa pagpawalang-sala sa akusado,
Ayon sa batas, ang mga biktima ng di makatwirang pagkakulong o detensyon ay makakatanggap ng P1,000 para sa kada buwan ng detensyon. Sa ibang mga kaso, ang maksimum na kumpensasyon ay P10,000 o aktwal na nagastos ng biktima para sa pagpapagamot, pagpa-ospital, nawalang sahod, o ibang gastos na may kinalaman sa pagkakapinsala.
Sinaad rin sa batas na maaring maghangad ng kumpensasyon ang biktima sa loob lamang ng anim na buwan mula nang makalaya sa pagkakulong, o mula nang mangyari ang pagkapinsala.
Ang pagrebisa ng IRR ay matagal nang panawagan nila Atty. Neri Colmenares, dating kinatawan ng Bayan Muna, Cardinal Pablo Virgilio David at Bishop Gerardo Alminaza.
Iminungkahi dati ni David na ang mga nakulong o Persons Deprived of Liberty (PDL) na kalaunan ay pinalaya ay dapat mabigyan ng kumpensasyon batay sa dami ng taon na sila ay nakulong upang magkaroon ng rekurso ang mga PDL para magsimula nang panibagong buhay.
Dagdag ni Colmenares “Hindi dapat basta lamang palayain ang mga inosenteng nakakulong nang walang hustisya—dapat din silang bigyan ng sapat na kumpensasyon para sa kanilang nawalang panahon, oportunidad, at dignidad. Ito na lamang ang maitutulong ng gubyerno para sa mga napagkaitan ng kanilang kalayaan at nakaranas ng di makataong kundisyon sa loob ng kulungan”.
Ayon kay Colmenares, paglabag sa karapatang-tao ang di makatwirang detensyon. “Maraming nakakulong ang hindi dapat naroon sa simula pa lamang—-mga magsasaka, manggagawa, kabataan, at aktibista na pinaratangan ng gawa-gawang kaso. Para sa mga napawalang sala, hindi sapat ang makalaya. Para magkaroon ng hustisya, dapat bumawi ang estado sa pamamagitan ng pagbibigay nga kumpensasyon sa kanila at matulungan sila na buuin muli ang kanilang buhay.”