Protesta laban sa mga patakaran ng rehimeng Prabowo sa Indonesia, umiigting
Umiigting ang protesta ng mamamayang Indones laban sa mga kontra-mamamayang patakaran ng nakaupong rehimeng Prabowo sa Indonesia. Lalong sumiklab ang galit ng mamamayang Indones matapos sagasaan ng sasakyan ng pulis si Affan Kurniawan, isang delivery rider, noong Agosto 28. Mula sa kabisera sa Jakarta, lumawak ang mga protesta tungkong mga syudad ng Bandung, Surabaya, Malang, Solo, Yogyakarta, Medan, at Makassar.
Sa isang pahayag, nakiisa ang People’s Struggle Front (Front Perjuangan Rakyat o FPR), isang koalisyon ng mga manggagawa, estudyante at aktibistang Indones, sa mga pagkilos. Kinundena nito ang pagpataw ng rehimen ng matataas na buwis, ang kainutilan nitong ibaba ang nagtatasang presyo ng mga batayang pangangailagnan, pati na rin ang dagdag na gastos sa edukayon at kalusugan, na anito’y lalong nagpatindi sa kahirapan ng mamamamyan. Binatikos ng FPR ang rehimen sa pagwawaldas nito sa pondo ng bayan sa anyo ng pagtataas ng mga sweldo ng mga mambabatas, husgado at pwersang panseguridad, habang binabalewala ang pagdurusa ng mamamayan.
Kinundena ng grupo ang presidente ng bansa na si Prabowo Subianto sa pag-utos nitong gumamit ang pulis ng labis-labis na pwersa para supilin ang mga protesta. Sa hulng tala ng National Human Rights Commission, umaabot na sa 951 raliyista ang inaresto sa Jakarta pa lamang. Kinutya rin nito ang pakitang-taong pagbisita ni Prawobo sa lamay ni Kurniawan na tinawag nitong “hungkag” at malayo sa hinihingi ng mamamayan na hustisya at reporma.
“Lalong nagiging malinaw ang pasistang katangian ni Pangulong Prabowo,” ayon sa FPR. Inasahan na ng grupo ang pagsupil sa karapatan sa pagpapahayag, laluna dulot ng kilusang masa para sa tunay na repormang agraryo na umarangkada sa nakaraang mga buwan.
“Gaano man kahirap ang sitwasyon sa ekonomiya at ang tindi ng pampulitikang panunupil, mahahalawan ito ng mahahalagang karanasan at aral para sa pagtukoy ng mamamayan sa kanilang hinaharap, na independyente kaninuman,” ayon sa grupo. “Ang mga aral at karanasang ito mula sa pakikibaka ay magbibigay sa pambansang demokratikong kilusan ng pagkakataon na ipagwagi ang kanilang kampanya sa parehong rural at urban na lugar.”
Panawagan ng FPR sa mamamayang Indones na laluna pang paigtingin ang koordinadong paglaban sa mga mapagsamantalang patakaran ng rehimen at igiit ang pananagutan nitto sa mga biktima ng karahasan ng estado.
Ang FPR ay binubuo ng Aliansi Gerakan Reforma Agraria (AGRA), Gabungan Serikat Buruh Indonesia (GSBI), Pemuda Baru Indonesia (PEMBARU), Serikat Perempuan Indonesia (SERUNI), Front Mahasiswa Nasional (FMN), Keluarga Besar Buruh Migran Indonesia (KABAR BUMI), Institute for National and Democracy Studies (INDIES).