Balita

Protestang bayan laban sa kahirapan, korapsyon at kawalang pananagutan, isasagawa sa Enero 31

Inianunsyo ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA) ang pinaplano nitong protestang bayan sa darating na Enero 31 sa Liwasang Bonifacio, Manila. Layon ng pagkilos ng alyansa na singilin ang rehimeng Marcos at ang mga Duterte sa dinaranas na kahirapan ng mamamayang Pilipino, laganap na korapsyon at kawalang pananagutan ng mga upisyal ng gubyerno sa patung-patong nilang mga krimen sa sambayanan.

Sa pahayag ng TAMA NA, idiniin nito ang lumalalang kahirapan dahil sa pagsirit ng presyo ng pagkain at iba pang bilihin, mababang sweldo, at kawalan ng trabaho. “Hindi na nga bumaba ang presyo ng bigas at karne, sumunod pa ang presyo ng kamatis, sili at mga gulay at tumataas ang singil sa tubig at kuryente,” ayon sa alyansa.

Anito, dumaraing na sa hirap ang mga magsasaka, manggagawa at maralitang tagalungsod at maging ang mga panggitnang uri na mga propesyunal at maliliit na negosyante. Paparami umano ang bilang ng mga Pilipinong natutulak na mangibang-bayan para magtrabaho dahil sa krisis.

“Sa halip na lutasin ay pinapalala pa ng gobyernong Marcos ang ating mga pasanin,” anang alyansa. Sa pagpasok ng 2025, itinaas tungong 15% ang kaltas sa sweldo ng manggagawang Pilipino para sa Social Security System. Kamakailan ay itinaas rin ang pamasahe sa LRT kasabay ng pagsirit ng iba pang singil sa serbisyo.

Anito, napakataas ng singil sa buwis ng mamamayan at baon sa utang ang Pilipinas pero kapos ang serbisyo ng gubyerno, dahil sa korapsyon napupunta ang pera. Litaw na litaw umano ito sa paglobo ng pondo para sa pork barrel at pamimili ng boto sa darating na eleksyon. Dagdag pa, napakalaki ng inilaan para sa unprogrammed funds, confidential at intelligence funds ng gubyerno.

“Ang masakit pa, ang mga malinaw na naglustay ng pera ng bayan tulad ni VP Sara Duterte (na walang kahiya-hiyang ayaw sumailalim sa anumang proseso ng imbestigasyon), protektor ng mga POGO, drug lord, at promotor ng EJKs na si dating Pres. Rodrigo Duterte, ay patuloy na namamayagpag at naghahasik ng gulo,” pagdidiin nito.

Walang tigil rin umano ang mga serye ng paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng rehimeng Marcos sa mukha ng mga ekstra-hudisyal na pamamaslang, pag-aaresto, Red-tagging at marami pang iba.

“Ano ba ito?! Wala na ngang ginagawa ang gobyerno para pababain ang presyo o itaas ang sahod, nanakawin pa ang kaban ng bayan at hindi pinapanagot ang mga korap at mapanupil!” anang alyansa.

Sa harap ng mga ito, panawagan nila sa iba’t ibang mga demokratikong sektor at mamamayang Pilipino, “magsama-sama tayo sa isang malaking kilos protesta na lalahukan ng iba’t ibang sektor at lahat ng nais ng pagbabago sa pamamalakad ng gubyerno.”

AB: Protestang bayan laban sa kahirapan, korapsyon at kawalang pananagutan, isasagawa sa Enero 31