Balita

Protestang UWIAN Na, isinagawa ng mga manggagawa at magsasaka

, ,

Nagsagawa ang mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno ng protestang “UWIAN Na” para sa sahod at laban sa nakaw, kahapon, Enero 24, sa harap ng NHA, sa Quezon City.

Ang panawagang UWIAN Na ay nagmula sa “Unite for Wage Increase at Against Nakaw sa Gobyerno” (o Unite for Wage Increase at Against Nakaw sa Gobyerno). Inilunsad ito ng mga manggagawa sa gitna ng lumalalang krisis sa kabuhayan ng mamamayan at korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Noong Enero 23, nagsagawa ang mga grupo ng manggagawa mula sa iba’t ibang rehiyon at labor federation para ianunsyo ang kanilang pagsasama-sama para igiit ang pagtaas ng sahod tungo sa nakabubuhay na antas. Panawagan din nila ang pagtatanggal sa mga korap sa gobyerno na ibinubulsa ang buwis ng mga manggagawa.

“Bilyun-bilyon ang kinikita ng kapitalista sa maghapon naming pagbabanat ng buto pero nananatiling kakapiranggot ang sahod namin,” ayon kay Eli Guzman, tagapagsalita ng Workers Initiative for Wage Increase. Mas masaklap, ang buwis na kinakaltas sa halip na mapunta sa serbisyo para sa aming pamilya ay kinukurakot.”

Sang-ayon dito si Tony Pascual, secretary-general ng National Federation of Labor Unions-KMU. “Wala na ngang ginagawa ang gubyerno para pruteksyunan ang mga manggagawa, ninanakawan pa,” aniya.

“Tanggalin ang magnanakaw, hindi ang manggagawa!” ayon naman kay Bong Labog, tagapangulo ng KMU. Sa press conference, nagpahayag ang iba’t ibang grupo ng pakikiisa sa mga manggagawa na nakaharap sa pamababarat at tanggalan.

Lumahok sa protesta ang mga myembro ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). BIntikos nila ang kawalang aksyon ng estado kaugnay sa nagtataasang presyo ng mga bilihin at singil sa serbisyo.

Anila, nananatiling nasa ₱60 kada kilo ang bigas, sa kabila ng pangako ni Marcos Jr na ibaba ito sa ₱20 kada kilo. Hindi ito naibaba ng solusyon ni Marcos na pag-iimport ng 4.7 milyong metriko toneladang bigas.

“Dapat prayoridad ng estado ang pagsuporta sa mga magsasaka nito at sa lokal na produksyon, hindi ang importasyon na lubhang pumipinsala sa kabuhayan ng mga prodyuser,” ayon kay Ka Daning Ramos, tagapangulo ng KMP at kandidato pagkasenador ng Makabayan.

Sa kasalukuyan, napakataas ng presyo ng iba pang mga pagkain, tulad ng kamatis na umaabot sa ₱360 kada kilo at sili na nasa ₱750 kada kilo.

AB: Protestang UWIAN Na, isinagawa ng mga manggagawa at magsasaka