R4, pistola at 14 na bakpak ng militar, nasamsam ng BHB sa Bukidnon, Agusan del Sur
Nasamsam ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Bukidnon ang isang R4, pistola at iba pang mga kagamitang pandigma sa dalawang armadong aksyon noong Oktubre. Naisagawa ang mga aksyong ito sa kasagsagan ng mga focused military operations ng mga batalyon ng Armed Forces of the Philippines sa rehiyon.
Noong Oktubre 24, inambus ng mga mandirigma ng BHB ang nag-ooperasyong tropa ng AFP sa Namnam River, Purok 7, Sityo Mahayag, Barangay St. Peter, Malaybalay City, Bukidnon. Tatlo ang napatay sa mga pasistang sundalo at nasamsam sa kanila ang isang R4, vest at mga magasin, pistola, 10 bakpak ng militar, mga bala at iba pang suplay.
Noong Oktubre 14, inatake ng BHB ang tropa ng 26th IB sa Sityo Kimam, Barangay Binicalan, San Luis, Agusan del sur. Nasamsam sa mga sundalo ang apat na bakpak at mga kagamitang militar. Sa panahon na iyon, papasok ang mga pwersa ng 26th IB sa lugar para salakayin ang inalisang kampo BHB ng mga Pulang mandirigma. Sa halip, ang mga sundalo ang natambangan.
Sa parehong barangay, na-engkwentro ng BHB ang 26th IB noong Oktubre 22. Namartir sa naturang labanan si Ike Dahonay (Ka Tres). Hindi bababa sa limang sundalo ng 26th IB ang tinatayang napaslang habang marami pang ibang nasugatan ayon sa yunit ng BHB. Sa ulat ng 4th ID, kabilang sa mga nasugatan si Sergeant Rene S. Mansulonay at CAA Faith Seith C. Pinadanag.