Reaksyunaryong sistemang hustisya, di epektibo sa pagresolba sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao

Kinundena kamakailan ng grupo sa karapatang-tao ang sunud-sunod na mga desisyon ng Ombudsman at Court of Appeals kaugnay sa mga kaso ng mga paglabag sa karapatang-tao. Ayon sa grupong Karapatan, ang “nakababahala” na padron ng mga desisyong ito ay nagpapatunay sa kainutilan o kawalan ng mga mekanismo para harapin ang papalalang kalagayan sa karapatang-tao sa bansa.

Mariing kinundena ng grupo ang desisyon ng Ombudsman na ipawalangsala ang mga pulis na sinampahan ni Reina Nasino ng malupit at di makatarungang pagtrato sa kanya noong iligal siyang ikinulong. Maalalang namatay ang sanggol ni Nasino na si Baby River matapos ipagkait sa kanilang mag-ina ang panahong dapat magkasama sila.

Dagdag pa dito ang malupit na pagtrato kay Nasino sa burol at libing ng kanyang anak. Ikinagalit din ng grupo ang desisyon ng Ombudsman na magpataw ng napakagaan na parusang “reprimand” o pangangaral sa kaso ng red-tagging na isinampa ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) laban sa mga tagapagsalita ng NTF-Elcac.

Samantala, binawi ng Court of Appeals ang writ of habeas corpus na una nang iginawad ng Korte Suprema para sa pagpapalitaw sa mga aktibistang sina Dexter Capuyan at Gene Roz Jamil de Jesus.

“Ang pagtanggi ng CA sa petisyon ng kanilang mga mahal sa buhay para sa writ of habeas corpus at ang nagpapatuloy na sapilitang pagkawala ng dalawa ay matitingkad na palatandaan na ang kasalukuyang ligal na mga kaparaanan ay, sa kalakhan, hindi epektibo para sa mga biktima ng sapilitang pagkawala,” pahayag ng Karapatan.

Ipinunto nito na kahit sa mga kasong iginawad ang writ of habeas corpus, tulad sa mga kaso nina Elizabeth Magbanua, Alipio Juat, Maria Elena Pampoza and Elgene Mungcal, ay wala ring pinatunguhan.

“Ang kamakailang mga desisyon na ito ay dagdag sa napakarami nang nauna, katulad ng pagbabasura ng Department of Justice sa kasong pagpatay laban sa mga pulis at iba pang upisyal ng gubyerno sa dalawang insidente ng Bloody Sunday, na nagresulta sa pagpaslang sa unyonistang si Manny Asuncion at mga aktibistang mangingisda na sina Ariel at Ana Mariz Evangelista,” ayon sa grupo.

Lumalala ang kawalang-hustisya sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.

“Malinaw, walang tunay na hustisya in “real time,” anito.

AB: Reaksyunaryong sistemang hustisya, di epektibo sa pagresolba sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao