Balita

Rebolusyonaryong propaganda, puspusang ipinalalaganap ng KM sa Southern Mindanao

, ,

Sa harap ng pasistang panunupil ng rehimeng Marcos at ng mga Duterte sa Davao City, nakapaglunsad ng operasyon dikit (OD) ang mga myembro ng Kabataang Makabayan Southern Mindanao Region (KM-SMR) sa syudad noong Setyembre 20. Namahagi rin ang rebolusyonaryong grupo ng mga kopya ng Ang Bayan kasabay ng aktibidad.

Itinaon ng KM-SMR ang kanilang OD sa bisperas ng paggunita ng mamamayang Pilipino sa ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar. Binatikos nila ang malagim na panahon ng diktadura at ang pagpapatuloy ng kasalukuyang rehimeng Marcos sa pamana ng pasismo at pandarambong ng kanyang amang diktador.

Siningil nila ang rehimen sa nalalantad na mga katiwalian sa gubyerno kaugnay ng mga proyektong flood kontrol at iba pang imprastruktura. Pinapanagot din nila ang mga Duterte sa katiwalian at patung-patong na mga krimen sa mamamayang Pilipino.

Ayon sa KM-SMR, walang pinagkaiba ang mga Marcos at Duterte dahil pareho silang inianak at kumatawan sa burukrata-kapitalistang sistema, kung saan ginagawang negosyo ang pamahalaan.

“Sumisiklab ang galit ng mamamayan sa paglitaw ng mga isyu sa kurapsyon kung saan bilyun-bilyon ang kinurakot ng mga pulitiko at kontraktor mula sa taumbayan,” pahayag ni Karina Magtanggol, tagapagsalita ng KM-SMR. “Sa halip na gamitin ang mga pondo para sa serbisyo sa mga tao, ay binulsa na lamang ito ng iilan,” aniya.

Partikular na ipinamahagi ng KM-SMR ang isyu ng Ang Bayan Setyembre 7 na nagtatalakay sa panawagan ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas na hambalusin ng protesta ang korapsyon ng rehimeng US-Marcos. “Ang hangarin ng taumbayan para sa katarungang panlipunan, tunay na demokrasya, at kalayaan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka,” ayon sa editoryal nito.

“Araw-araw na dumadaan, ay tumitibay ang paninidigan ng mamamayan na hindi na lamang reporma sa bulok sa sistema ang sagot,” pahayag ni Ka Karina. Napatutunayan umano araw-araw na rebolusyon ang kinakailangan sa pagkamit ng totoong pagbabago ng lipunan.

Ibinahagi ni Ka Karina na dahil sa tumitinding krisis na kinahaharap ng mamamayang Pilipino, nagpapatuloy ang pagdami ng mga myembro ng KM-SMR. “Nakikita ngayon ng mga kabataan ang halaga ng rebolusyon. Matayog na ngayon ang kanilang pangarap. Ito ang pagpapanalo ng rebolusyon ng bayan,” aniya.

Dagdag pa niya, batid ng kabataan na hindi nila ito magagawa kung sila lamang. “Kailangang makipagkaisa sa mamamayang pinagsasamantalahan at inaapi, lalo na ang mga manggagawa at magsasaka,” paliwanag ni Ka Karina.

Sa rehiyon ng Davao, sinabi ng KM-SMR na masigasig ngayong pinangingibabawan ng mga myembro nito ang konserbatismo, at eksternal na mga atake tulad ng mga banta ng panliligalig, at sarbeylans, militarisasyon, at de facto martial law sa Mindanao.

“Sa kanila ng pasismo sa SMR at sa buong isla ng Mindanao, hindi mapipigilan ng reaskyunaryong pwersa ng estado ang nag-aapoy na galit ng sambayanan. Ihahambalos ng mamamayan ang kanilang galit sa mga reasyunaryo kagaya nila Marcos, Duterte at sa mersenaryong AFP-PNP,” ayon kay Ka Karina.

AB: Rebolusyonaryong propaganda, puspusang ipinalalaganap ng KM sa Southern Mindanao