Balita

Rebolusyonaryong pwersa at masa sa Ilocos-Cordillera, nagdiwang sa ika-55 anibersaryo ng BHB

,

Puno ng rebolusyonaryong entusyasmo at kagalakang nagdiwang ang mga rebolusyonaryong pwersa at masa sa araw ng ika-55 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan sa iba’t ibang bahagi ng Ilocos at Cordillera, kabilang sa mga kasyudaran ng rehiyon.

Isinagawa ang mga pagdiriwang sa iba’t ibang pagtitipon kagaya ng mga pag-aaral sa AKP at IKP sa huling linggo ng Marso. Sinaluduhan ang mga Pulang kumander at mandirigma ng BHB at nagpugay sa kadakilaan ng mga rebolusyonaryong martir.

Sa pagdiriwang, binasa at tinalakay ang pahayag ng Komite Sentral ng Partido para sa ika-55 anibersaryo ng BHB. Binaybay ang makasaysayang pagkakatatag ng NPA kung saan pinatampok ang mga tagumpay nito—mula sa sa isang maliit na iskwad at ilang mga armas, na pinagtagumpayan nitong palakihin, pasaklawin at paduguin ang kaaway sa loob ng walong reaksyonaryong rehimen. Sa Ilocos at Cordillera, nabigo ang diktadura ng rehimeng Marcos Sr sa pangako nitong “pigtasin ang bubot” ang noo’y umuusbong na rebolusyonaryong armadong kilusan sa rehiyon sa pagpataw nito ng batas militar. Sa halip, sa panahong ito ay nabuo ang unang platun ng BHB sa Ilocos mula sa pakikibaka laban sa mataas na upa sa lupa at usura ng mga panginoong maylupa. Samantala, nabuo sa Cordillera ang mga kumpanya’t batalyon ng NPA mula sa pakikibaka ng pambansang minoryang Igorot laban sa pasismo at pagyurak sa kanilang karapatan para sa sariling-pagpapasya. Kabilang sa kanilang mga paglaban sa mapanirang proyektong Chico Dam at Cellophil ng rehimeng US-Marcos Sr.

Sa pagdiriwang ay hinikayat ang mga kasama na mag-aral, humango ng mga aral sa mga karanasan at sariwain ang mga alaala ng mga martir ng Pulang hukbo upang magsilbing pampatibay sa sarili at kanilang mga kolektiba.

Naging okasyon ang mga pagdiriwang upang ipaalala sa mga kasama ang tagubilin ng sentro ng Partido sa mga kritikal at kagyat na tungkulin sa pagpapalakas ng Partido at Pulang Hukbo at pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan, na puspusan at mapagpasyang ipatupad ang kilusang pagwawasto at lahatang-panig na isulong ang rebolusyon. Pinatampok ang pagpapangibabaw sa konserbatismong militar at mahigpit na pagtangan sa prinsipyo at taktika ng gerilyang pakikidigma sa pagsusulong ng armadong pakikibaka, upang umigpaw mula sa mga kabiguan at pag-atras.

Para sa mga rebolusyonaryong pwersa sa kasyudaran, ipinaalala ang mahigpit na pagtangan sa dalawang mayor na tungkulin ng rebolusyonaryong kilusang masa na pamunuan ang pakikibakang anti-pyudal, anti-imperyalista, at anti-US-Marcos Jr na diktadurya at palakasin ang BHB. Binanggit na walang itatangi sa nasabing dalawang mayor na tungkulin at sabay na ipinatutupad ang mga ito. Ubos-kayang itaguyod ang pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusang masa at tugunan ang pagpapalakas ng BHB dahil ito ang tanging sandata ng mamamayan para ipagtanggol ang mga nakamit nilang tagumpay sa kanilang istorikal na anti-pyudal at anti-imperyalistang pakikibaka.

Hinimok sa mga pagtitipon ang nakababatang mga kadre na ibuhos ang panahon sa Pulang hukbo at gamitin ang mga oportunidad upang matuto, magsanay at maging mahuhusay na mandirigmang bayan sa pulitika at militar. Sa mga kasamang nakatatanda naman, hindi pa huli ang lahat at marami pang pwedeng gampanan, maging ang pagtangan mismo ng armas at kahit ang pagiging Pulang kumander. Hinikayat din ang mga kasamang senyor, na liban pa sa patuloy na pagkilos hanggang sa “pagretire,” na igugol ang panahon sa pagtuturo sa mga batang kadre ng mayamang mga karanasan sa mga gawain ng rebolusyon.

Binigyang sigla ang mga pagdiriwang ng mga pangkulturang pagtatanghal kagaya ng pagtula, tula-galaw at sama-samang pagkanta ng mga rebolusyonaryong awitin at mga salo-salo.

Ang nasabing mga pagdiriwang sa Ilocos-Cordillera ay sampal sa mukha ng Northern Luzon Command ng AFP na nagdedeklarang durog na ang mga larangang gerilya at rebolusyonaryong kilusan ng rehiyon. Nagmukhang tanga ang mga pwersa ng AFP at PNP na todo-alerto na nagposte at nagmanman pa kahit sa mga syudad at sentrong urban, na sa tungki ng kanilang ilong ay nagtataas ng kamao at umalingawngaw ang mga panata ng mga rebolusyonaryong puersa na isusulong ang digmang bayan sa ika-55 anibersaryo ng BHB.

AB: Rebolusyonaryong pwersa at masa sa Ilocos-Cordillera, nagdiwang sa ika-55 anibersaryo ng BHB