Refund ng Meralco, walang-saysay sa harap ng malaking dagdag-singil
Muli na namang tataas ang bayarin sa kuryente ngayong Abril sa Metro Manila at kalapit nitong mga prubinsya. Inianunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong Abril 11 na itataas nito ang singil sa kuryente nang ₱0.72 bawat kilowatt-hour (kWh). Dahil dito, tataas ang kabuuang singil para sa mga sambahayan tungong ₱13.0127/kWh mula sa ₱12.2901/kWh noong Marso. Dahil dito, madadagdagan ng humigit-kumulang ₱144 ang buwanang bayarin ng karaniwang sambahayan na gumagamit ng 200 kWh kada buwan. Pagdadahilan ng Meralco, ang malaking talon sa singil ay dulot ng pagtaas ng generation charges.
Pinawalang-saysay ng malaking dagdag-singil ang refund o singil na dapat nang ibinabalik ng Meralco sa mga konsyumer alinsunod sa utos ng Energy Regulatory Board (ERB). Ang refund, na nagkakahalaga ng ₱19.95 bilyong ay nagmula sa sobrang pagsingil ng kumpanya dahil sa pagkakaiba ng aktwal na weighted average tariff (AWAT) at inaprubahang distribution rate na ₱1.35-₱1.36/kWh mula Hulyo 2022 hanggang Disyembre 2024. Ibig sabihin, nagpatupad ang Meralco ng mataas na distribution rate (hanggang ₱1.57/kWh) na lampas sa inaprubahan ng ERC (₱1.35-₱1.36/kWh) sa naturang panahon. Ipinag-utos ng ERC na isagawa ang refund sa loob ng tatlong taon, na lalong nagpaliit at nagpawalang-saysay sa buwanang kaltas.
Bagamat hiwalay na proseso ang pagkalkula sa pagtaas ng singil sa refund, mas malaki ang epekto ng nauna kumpara sa huli. Halimbawa, sa 200kwh na konsumo ngayong Abril, ang refund ay nasa ₱23.78-₱40-48 kwh lamang, habang ₱175/kwh ang dagdag.