Balita

Rehimeng Marcos, binatikos sa walang awat na pagtaas ng presyo ng langis

Umabot na sa ₱3.25 ang netong pagtaas ng presyo ng gasolina ngayong taon, matapos ang limang beses na pagtaas at dadalawang beses lamang na rolbak mula Enero 1 ngayong taon.

Mula Enero hanggang Marso 11, itinaas ng mga kumpanya ng langis ang presyo nito nang ₱1 (Enero 7), ₱0.80 (Enero 14), ₱1.65 (Enero 21), ₱0.80 (Pebrero 18) at ₱0.70 (Pebrero 25). Ibinaba naman ito nang ₱0.90 noong Marso 11 at ₱1.70 noong Marso 11. Pero sa darating na Marso 31, maaari itong itataas nang hanggang ₱1.35 kada litro.

Lampas ₱3 kada litro na rin ang netong itinaas ng presyo ng diesel at ₱0.30 sa presyo ng bawat litro ng kerosin sa parehong panahon.

Sa harap nito, ipinahayag ni BAYAN MUNA Partylist 2nd Nominee Atty. Carlos Zarate noong pangatlong linggo ng Marso ang pagkadismaya sa mabagal na aksyon ng gubyerno. Aniya, tila “tagapagsalita” lang ng mga kumpanya ng langis ang Department of Energy (DOE). Ni hindi nito nagagawa ang tungkuling taga-“regulate” ng presyo para protektahan ang interes ng publiko.

“Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na walang agarang aksyon mula sa gubyerno ay nagpapakita ng kakulangan sa pamamahala at proteksyon para sa mga mamamayan,” ayon kay Zarate. Dagdag pasakit ito sa mga Pilipino, aniya, lalo na ang mga nasa sektor ng transportasyon at mga ordinaryong konsyumer at komyuter.

AB: Rehimeng Marcos, binatikos sa walang awat na pagtaas ng presyo ng langis