Balita

Sa ika-38 taon ng CARP: Mahigit 500 magsasaka, nagprotesta sa DAR

,

Mahigit 500 magsasaka mula sa Southern Tagalog at Central Luzon ang nagtungo sa upisina ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City upang singilin ang ahensya sa pagkainutil nito at kapabayaang resolbahin ang hindi matapos-tapos na kaso sa lupa na dinudulog ng mga magsasaka. Ang pagkilos ay bahagi ng pagbatikos ng mga magbubukid sa ika-38 taon ng kainutilan ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng gubyerno ng Pilipinas.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), lalong pinatindi ng halos apat na dekadang pag-iral at pagpapatupad ng CARP ang kawalan ng lupa ng mga maralitang magsasaka. Nananatiling pito sa bawat 10 magsasaka ang walang sariling lupa habang lumalawak ang mga lupaing nakatakdang isubasta sa mga dayuhan para sa mga proyektong renewable energy, ekoturismo, at plantasyong pang-eksport.

Dagdag pa ng KMP, naging simbolo lamang ang CARP ng kabiguan ng huwad na reporma sa lupa na nakabalangkas sa mga neoliberal na patakaran ng gubyerno. Anito, matagal nang hinatulan ng mga magsasaka ang CARP bilang pinakamahaba, pinakamagastos at pinakamadugong huwad na programa sa lupa ng reaksyunaryong gubyerno.

Paliwanag ng KMP, milyun-milyong magsasaka ang walang sariling lupang sinasaka, baon sa pagkakautang at bulnerableng mapalayas at mawalan ng kabuhayan dahil hindi binuwag ng CARP ang monopolyong kontrol ng mga panginoong maylupa at kapitalista sa malalawak na mga asyenda, plantasyon at pribadong landholdings. Sa halip, pinayagan ng CARP ang pang-aagaw at pagpapalit ng lupa, eksempsyon ng malalawak na lupain, stock distribution options at iba pang iskema sa ngalan ng pagprotekta sa interes ng mga panginoong maylupa.

Tinuligsa at inilantad din sa testimonya ng mga magsasaka ang epekto ng programang Support to Parcelization of Land Titles o SPLIT ng DAR at World Bank, ang New Agrarian Emancipation Act at pamamahagi ng Certificate of Condonation Release of Mortgage o COCROM na ginagamit na panlalansi sa kasalukuyan ng rehimeng Marcos sa mga magsasaka.

Siningil din ng nila ang rehimeng Marcos sa papel nito bilang pangunahing tagabenta ng lupa sa mga dayuhang interes. Kabilang sa unang nakinabang sa 99-Year Investor Land Lease Act ng rehimen ang 1,620 ektarya sa New Clark City na gagawing AI technology hub sa ilalim ng Pax Silica initiative ng US.

Sa isinagawang “street conference,” inilahad ng mga magsasaka na walang maaasahan sa CARP at ang tanging landas ay ang makibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Sa pangunguna ng Katipunan ng Samahang Magbubukid ng Timog Katagalugan, sinunog ng mga nagprotesta ang mga simbolo ng anti-magsasakang patakaran ng rehimen kabilang ang SPLIT, COCROM at NAEA.

—ulat ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)

AB: Sa ika-38 taon ng CARP: Mahigit 500 magsasaka, nagprotesta sa DAR