Balita

Sa ika-80 kaarawan ni Rodrigo Duterte, sigaw ng bayan ang pananagutan

Naghahanda para sa malawakang protesta ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at mga alyadong organisasyon nito sa Pilipinas at sa ibayong dagat sa darating na Marso 28 para panagutin si Rodrigo Duterte sa mga krimen sa bayan. Itataon ang pagkilos sa ika-80 kaarawan ng berdugong si Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa detensyon ng International Criminal Court (ICC) sa The Netherlands sa kasong krimen sa sangkatauhan ng pagpatay.

Pangunahing panawagan sa araw ng protesta ang sigaw na “hustisya para sa lahat ng biktima ni Duterte.” Inaasahang dadalo sa pagkilos ang maraming kaanak ng mga biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang at iba pang paglabag sa karapatang-tao ng rehimen. Sama-sama silang magtitirik ng kandila para sa hustisya.

Sa Maynila, nakatakdang ilunsad ang malaking protesta sa Liwasang Bonifacio kung saan lalahok ang mas malapad na alyansang Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA). Mayroon ding protesta sa United States, Europe, Australia at mga bansa sa Asia.

“Ang pag-aresto kay Duterte ay isang hakbang pasulong pero hindi pa nagtatapos ang laban at kailangan nating maging mapagbantay hanggang sa ang dating pangulo at kanyang mga kasabwat ay mahatulang maysala,” ayon sa Bayan.

Dagdag ng grupo, pagkakataon ang protesta para ipamalas ng mga Pilipino ang kanilang pagtindig sa tama at labanan ang naratibo ng disimpormasyon na ipinalalaganap ng pangkating Duterte. Liban dito, ipapanawagan rin sa pagkilos ang pananagutan ng rehimeng Marcos sa nagpapatuloy pa ring mga paglabag sa karapatang-tao sa bansa.

“Ang pag-aalinglangan ni Marcos na itaguyod ang hustisya ay litaw na litaw sa kanyang kabiguang magsampa ng lokal na mga kaso laban kay Duterte, at kanyang nagpapatuloy na pagtanggi na muling sumali sa ICC,” ayon pa sa Bayan.

Para sa kaarawan ni Duterte, nagpahayag ng mensahe si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na umaasa siyang magpalakas ang dating pangulo at magkaroon ng mabuting kalusugan para magawang harapin ang kaso sa ICC. Dagdag pa niya, dapat itong gawin ng pangulo “para makamtam din naman ng mamamayan yung kanilang hustisya.”

AB: Sa ika-80 kaarawan ni Rodrigo Duterte, sigaw ng bayan ang pananagutan