"Sadsad" ng mga progresibong grupo noong Dinagyang Festival, inabala at ginipit ng mga pulis
Binatikos ng mga grupong pambansa-demokratiko sa Iloilo ang pang-aabala at panggigipit ng mga pulis ng Iloilo sa kanilang “sadsad” (pagsayaw tuwing pyesta) na isinagawa kasabay ng Dinagyang Festival noong Enero 26. Ayon sa mga ulat, ipinatanggal ng mga pulis ang mga istiker na may mga panawagan na nakakabit sa damit ng mga kalahok sa aktibidad.
Ginamit ng mga pulis na batayan sa hakbang na ito ang inilabas ni Iloilo Mayor Jerry Treñas na Executive Order No. 167 noong Disyembre 2024 na nagbabawal sa “pulitikal na mga kampanya at pahayag” sa panahon ng Dinagyang Festival. Nauna nang binatikos noong Enero 3 ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Panay ang patakarang ito na tinawag nilang “direktang atake” sa malayang pagpapahayag at mapayapang pagtitipon.
Ayon sa Bayan-Panay, binusalan ng EO ang kritikal na boses ng mamamayan at pinagbawalan ang pampulitikang pagpapahayag sa panahon ng Dinagyang Festival sa tabing ng “kaligtasan at seguridad.” Anila, hindi hiwalay na insidente ang pambubusal na ito dahil katulad na patakaran ang ipinatupad noong Dinagyang 2024 at ilang beses nang pinagbawalan ang mga protesta at rali sa syudad.
“Sa loob ng ilang dekada, ang Bayan-Panay at ang iba pang mga organisasyong masa ay lumalahok sa Dinagyang hindi para abalahin ngunit para palakasin ang tinig ng mga magsasaka, manggagawa, drayber ng dyip, estudyante, mga manininda, at komunidad ng Tumandok,” ayon sa grupo. Pagtatanong nila, bakit ba ayaw marinig ni Mayor Treñas ang mga panawagang ito, dahil ba kasabwat siya sa pagpapahirap sa mga sektor na ito?
Liban dito, binatikos nila ang presensya ng kasalukuyang mga upisyal ng gubyerno at iba pang pulitiko na tumatakbo para sa eleksyong 2025 sa entablado ng Dinagyang Festival. Pinuna rin nila ang paglalagay sa “car pass” ng “Rais and Shine” logo na malinaw na pumapatungkol sa anak ng meyor na si Raisa Treñas-Chu, na tumatakbong meyor na papalit sa kanyang ama.
Samantala, idiniin rin ng Bayan-Panay na lubhang komersyalisado na ang Dinagyang Festival at napakalayo na sa makasaysayang pinagmulan nito.