Balita

Sagip Saka Act, mababaw, di solusyon sa malalalim na problema ng magsasaka

,

Buong pagmamalaking pinirmahan na Executive Order (EO) 101 kahapon, Oktubre 24, para sa buong implementasyon ng Republic Act No. 11321, o Sagip Saka Act na nagpapahintulot sa mga ahensya ng estado na direktang bumili ng mga produkto ng mga magsasaka at mangingisda nang walang public bidding. Tinawag itong “malaking tagumpay” ni Sen. Kiko Pangilinan, isponsor ng batas.

Pero di natuwa dito ang mga magsasaka. Tinawag nila itong “isa na namang mababaw na hakbang” na hindi reresolba sa malalim na krisis ng sektor ng agrikultura. Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), “di sapat” at “simboliko lamang” ang kautusan dahil iniwasan nitong harapin ang kawalan ng lupa at iba pang pundamental na mga problema na kinakaharap ng milyun-milyong mamamayan.

Anito, makitid ang kautusan, at nakatuon lamang ito sa pamilihan, itinuring ng mga magsasaka at mangingisda biang mga “suplayer” at walang inihaharap na resolusyon sa batayang problema ng kawalan ng suporta at subsidyo sa produksyon, dagdag sa matagal nang problema ng kawalan ng lupa, pagpapalit-gamit ng lupa, at mga patakarang neoliberal na nagtutuon sa produksyon sa import at nagsasandig dito sa mga exported na kagamitan at mga sangkap.

“Tinuturing ng EO 101 ang mga magsasaka bilang mga simpleng manininda at hindi bilang mga pangunahing pwersa ng produksyon sa kanayunan at pambansang ekonomya, at mga katuwang sa pagtataguyod ng kasarinlan sa pagkain at pambansang kaunlaran,” ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP. Nagbubulag-bulagan si Marcos sa mga ugat ng kahirapan sa kanayuhan, sa kawalang-lupa at mga patakarang neoliberal na nagwasak sa lokal na agrikultura, gayundin ang palagiang kapabayaan ng estado sa sektor, aniya.

“Hindi lamang kailangan ng mga magsasaka ng bibili ng kanilang mga produkto.Kailangan nla muna ng kakayahan na mag-produce, tulad ng kontrol sa kanilang mga lupa, kapital, makinarya, seguro, proteksyon, proteksyon at iba pa,” ayon kay Ramos. “Wala ang mga ito sa kautusan.”

AB: Sagip Saka Act, mababaw, di solusyon sa malalalim na problema ng magsasaka