Serye ng pagbisita sa mga bilanggong pulitikal, inilunsad ngayong Disyembre
Kabi-kabila ang mga aktibidad at pagbisita ng mga manggagwang pangkalusugan, tagapagtanggol ng karapatang-tao, taong-simbahan at iba’t ibang grupo sa mga bilanggong pulitikal ngayong Disyembre. Naghatid sila ng suportang materyal bilang pagdiriwang sa kapaskuhan at suportang moral para patatagin ang loob ng mga bilanggong pulitikal na ilan taon nang iligal na ipiniit ng reaksyunaryong estado.
Sa tala ng Karapatan, hindi bababa sa 757 ang kasalukuyang bilang ng mga bilanggong pulitikal sa Pilipinas. Sa bilang na ito, 103 ay matatanda at 97 ang maysakit. Sa bilang na ito, 156 ang kababaihan at 17 ang konsultant at istap sa usapang pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Sa ilalim ng rehimeng Marcos, inaresto at ikinulong ang hindi bababa sa 148 bilanggong pulitikal.
Nagtungo sa mga bilangguan ang mga kabataan at beteranong aktibista para makiisa sa mga bilanggong pulitikal at alamin ang kanilang sitwasyon. Inilunsad ng mga grupo ang pagbisita sa mga kulungan sa Taguig City, Mandaluyong City, Quezon City, Muntinlupa City, Nueva Ecija, Pampanga, Tacloban City at iba pang lugar.
Noong Disyembre 14, pinangunahan ng Gabriela sa ilalim ng kampanyang Free Our Sisters ang pagbisita sa Nueva Ecija Provincial Jail at Pampanga Provincial Jail. Sa inisyatiba nilang “Paskuhan sa Selda,” nakapangalap ang grupo ng kababaihan ng pagkain, gamit pangkatawan at iba pang suporta para sa mga bilanggo. “Ang pagbisitang ito sa panahon ng kapaskuhan ay nagtatampok sa aming hindi nagmamaliw na pakikiisa sa mga bilanggong pulitikal na nananatiling hindi makatarungang nakakulong dahil sa kanilang aktibismo at paglilingkod sa mga isinasantabing mga komunidad,” pahayag ng Gabriela.
Noong Disyembre 15, bumisita ang mga manggagawang pangkalusugan at estudyante ng medisina sa pangunguna ng Philippine Medical Students’ Association-National (PMSA) at Philippine Nursing Students’ Association-National (PNSA) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City. Isinagawa nila ang maiksing konsultasyong medikal, kaunting salu-salo at pangkulturang pagtatanghal kasama ang mga bilanggong pulitikal. Ibinahagi rin ng ilang bilanggo ang sirkunstansya ng kanilang pagka-aresto at karanasan sa detensyon.
Noong Disyembre 17, magkakasamang nagtungo sa New Bilibid Prison, Muntinlupa City ang mga madre, pari at iba pang taong-simbahan mula sa National Council of Churches in the Philippines, Promotion of Church Peoples’ Response (PCPR), Ecumenical Bishops Forum (EBF), Church-People Workers Solidarity (CWS), Daughters of Charity, Congregation of Dominican Sisters of St. Catherine of Siena, Philippines, and Religious of the Good Shepherd (RGS) para bisitahin ang 52 bilanggong pulitikal doon.
Kabilang sa nakasalamuha nila si Fr. Frank Fernandez, konsultant pangkapayapaan ng NDFP at dating pari ng Simbahang Katoliko sa Negros. “Kami ay labis na nagpapasalamat sa iyong pagbisita. Tulad ng iyong nalalaman, ang buhay dito ay labis na monotonous, at kami ay nabubuhay sa kalakarang ito nang [ilang] taon na. Ang inyong presensya ay nagsisilbing isang malugod na pahinga mula sa kalakarang ito,” ayon kay Fr. Fernandez. Dagdag niya, nagbigay ito ng pagkakataon sa kanila na makipag-usap sa iba at makakuha ng ilang balita mula sa labas ng piitan. “[Ipinaramdam nito] sa amin na kami ay bahagi pa rin ng lipunan,” aniya.
Sa araw ding iyon, bumisita ang kababaihang aktibista sa Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City sa pangunguna ng Kapatid, ang samahan ng mga kamag-anak ng mga bilanggong pulitikal at mga bolunti, at ng Gabriela. Kabilang sa mga lumahok sa aktibidad ang beteranong aktibista at dating bilanggong pulitikal noong batas militar na si Judy Taguiwalo.
“Alam kong mahirap ang buhay bilanggo at lalong mahirap ito sa panahon ng Pasko at Bagong Taon: panahon ng reunion at mga salu-salo kasama ang pamilya at mga kaibigan. Ang mga dalaw na inaabangan na sa mga regular na panahon ay lalong kapanapanabik sa panahon ng Pasko,” pagbabahagi ni Taguiwalo. Sa kanilang pagbisita sa CIW, nagkaroon ng kaunting salu-salo at programa ng mga tula, kanta, at sayaw. Naibahagi rin sa mga bilanggong pulitikal ang kanilang mga hiling kabilang na ang malong, sapatos, pantalon at gamit pang-eskwela para sa alternative learning system.
Noong Disyembre 19, bumisita sa Camp Karingal sa Quezon City ang mga taong-simbahan mula sa United Church of Christ in the Philippines (UCCP) at PCPR. Kasama rin nila ang mga lider mula sa Katribu-Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas at si Raymond Palatino, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).
Noong Disyembre 22, pinangunahan ng National Union of People’s Lawyers (NUPL)-Tacloban City Law Students Chapter ang pagbisita sa mga bilanggong pulitikal sa Tacloban City Jail. Nasaksihan ng mga susunod na abugado ng bayan ang kalagayan ng mga bilangguan at narinig ang mga kwento ng mga biktima ng iligal na detensyon. “Sana mas mahikayat kayong pumasok sa human rights work dahil nakikita ninyo mismo ang kalagayan sa rehiyon,” ayon kay Chakoy Abinguna, isa sa Tacloban 5.
Sa araw ding iyon, hindi bababa sa 18 katao ang dumalaw sa Camp Bagong Diwa at Camp Karingal sa pangunguna ng Karapatan-National Capital Region. “Nananatili ang maalab na diwa ng ating mga bilanggong pulitikal sa pagkamit ng tunay na hustisya at pakikibaka para sa kanilang mga karapatan. Kasama nila ang malawak na hanay ng mamamayang Pilipino na hanggang ngayon din ay naghihirap sa kabila ng dapat ay masayang okasyon,” pahayag ng Karapatan-NCR.
Noong Disyembre 24, binisita ng mga lider ng Katribu, kasama si Amirah Lidasan ng Moro-Christian Peoples Alliance (MCPA) at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan, ang mga bilanggong pulitikal mula sa hanay ng mga pambansang minorya sa Camp Karingal. Nagdala sila ng pagkain para sa munting noche buena ng mga bilanggo. Samantala, ipinagpasalamat ng isang bilanggong pulitikal ang dating ibinigay na BP (blood pressure) set na marami ang nakakagamit at malaki ang tulong sa mga bilanggo, hindi lamang mga bilanggong pulitikal. “Oras na lumaya raw sila ay iiwan na nila sa facility ang pang-BP na ‘yon para magamit pa ng iba,” kwento ng isang dumalaw.
Bumisita rin noong nakaraang linggo ang tatlong sasakyang puno ng mga istap at guro mula sa unyon ng mga kawani sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa mga bilanggong pulitikal ng Metro Manila District Jail Annex 4 (MMDJ-4) sa Camp Bagong Diwa. Nagdala sila ng bigas para sa pangkonsumo ng mga bilanggo. Magkakasama rin silang nagsalu-salo sa kaunting pagkain at nagkantahan. Ayon sa kanilang liham sa warden ng kulungan, ang kanilang pagbisita ay “bahagi ng patuloy na pagpapaunlad ng pagseserbisyo ng sintang paaralan alinsunod sa nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) at Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at PUP.”
Isa pang tampok na aktibidad kasama ang mga bilanggong pulitikal ang pagbisita at pagdiriwang ng misa ng bagong hirang na kardinal ng Simbahang Katoliko na si Cardinal Pablo Virgilio David noong Disyembre 26 sa Camp Bagong Diwa. Pinangunahan ng Kapatid ang naturang pagbisita ng kardinal. Kabilang sa mga nakasalamuha ng kardinal ang mga detenidong konsultant sa kapayapaan ng NDFP.
Samantala, binatikos ng Ilocos Human Rights Alliance ang BJMP sa naging problema sa pagbisita noong “open house” sa Ilocos Sur Provincial Jail. Dahil dito, hindi nakabisita ang mga kaanak ng konsultant pangkapayapaan ng NDFP na si Simon Naogsan, isa sa 33 bilanggong pulitikal sa naturang kulungan.
Mayroon ring inilunsad na pangungulekta ng mga sulat at donasyon ang iba’t ibang mga organisasyon para sa mga bilanggong pulitikal. Maging ang mga organisasyon ng mga migranteng Pilipino ay nagpaabot ng mga sulat at tulong.
Sa lahat ng mga aktibidad na ito, ipinamalas ng mga bilanggong pulitikal ang hindi nagmamaliw nilang paninindigan at diwa para sa pambansa at demokratikong adhikain ng mamamayan.