Sikretong paglilipat ng AFP sa US Typhon system, kinundena
Kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pakikipagsabwatan ng rehimeng Marcos sa US para sikretong ilipat ang US Typhon missile system na malaon nang binabatikos ng mga patriyotikong pwersa ng bansa. Ang sistemang ito ay umakit ng atensyon ng China at Russia, na nagbabala sa dala nitong peligro sa seguridad ng rehiyon. Inilagak ito noon ng US sa Laoag International Airport, isang sibilyang pasilidad at wala sa listahan ng mga lugar na itinakdang “EDCA site” o base ng militar ng US.
“Dapat kundenahin ang rehimeng Marcos sa asal-tutang pagpapahintulot nitong gawing tambakan at lagakan ng mga sandatang militar ng US ang bansa,” pahayag ni Marco Valbuena, chief information officer ng PKP sa isang pahayag noong Enero 24. Idiniin niya ang paninindigan ng mamamayang Pilipino para sa kagyat na pagtatanggal ng sistemang misayl na ito sa bansa.
Kinundena din niya ang kunwa’y plano ng AFP at ng rehimeng Marcos na “bumili” ng sariling Typhon missile system, sa sulsol ng US. Tinawang niyang delikadong probokasyon ang presensya nito sa Pilipinas laban sa karibal na imperyalista ng US na China.
Binatikos din ng mga progresibong pwersa ang pananatili ng Typhon missile sa bansa. Tinawag ito ni Atty. Kaloi Zarate ng Bayan Muna na “marka ng patuloy na pagpapakatuta ni Marcos Jr” sa administrasyon ng bagong presidente ng US na si Donald Trump.
“Sa kabila ng patuloy na panghihimasok ng China sa ating teritoryo hindi nangangahulugan na umasa tayo sa isa pang imperyalistang bansa,” ani Atty. Zarate. “Kung hindi inuuna ang interes ng mga pribadong indibidwal na magpakayaman kakuntsaba ng mga dayuhan hindi malalagay ang Pilipinas sa sitwasyon na ito.”
Ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas, panawagan niya sa harap nito. Idiniin niya ito sa harap ng balitang itinigil ng US ang lahat ng ayuda sa ibang bansa, kabilang sa Pilipinas. ”
“Pagpapakita ito na ang pinaprayoridad ng United States ay ang kanilang interes,” aniya. “Hindi tayo dapat maging pulubi sa harap ng mga dayuhang kapangyarihan. Dapat nakatayo tayo sa sariling paa at ipatupad ang tunay na independyenteng patakaran panlabas na nagsisilbi una sa lahat sa interes ng mamamayang Pilipino.”