Balita

Stone Wall Philippines at Pride Protest, inilunsad ng mga grupong LGBTQ+

,

Nagtipon ang iba’t ibang grupo, alyado at mga aktibistang nagsusulong ng karapatan ng mga LGBTQ+ sa Liwasang Bonifacio sa Maynila noong Hunyo 26, upang gunitain ang taunang Stonewall Philipines Gay Pride.

Sa protesta, idiniin ng mga raliyista ang militanteng tradisyon ng Pride, habang kinukundena ang lumalalang kalagayan ng mamamayan sa gitna ng pagtaas ng presyo, lumalawak na militarisasyon, at patuloy na dayuhang interbensyon. Dagadag rito, nanawagan sila para sa mas matibay na proteksyon para sa komunidad ng LGBTQ+ at agarang pagsasabatas sa Sexual Orientation, Gender Identity, and Gender Expression (SOGIE) Equality Bill.

Sa programa, ibinahagi ang mensahe ng pakikiisa sa protesta ng ilan sa mga nag-organisa ng 1994 Stonewall Manila, ang tinaguriang kauna-unahang Pride March sa Pilipinas at Asia. Nanawagan sila sa mga Pilipinong LGBTQ+ na itakwil ang isang kilusang Pride na komersyalisado at korporatisado.

“Hindi tayo pwedeng makuntento sa isang aprubado-ng-korporasyon na bersyon ng kalayaan kung saan ang bisibilidad ay binibili at ibinebenta lamang,” anila.

Pagkatapos ng programa sa Liwasang Bonifacio ay nagmartsa ang mga grupo tungo sa US Embassy pero hinarang sila ng mga pulis sa Kalaw Avenue. Kinundena nila ang nagpapatuloy na impluwensya at presensyang militar ng US sa Pilipinas sa usaping ekonomya, kultura, at pulitika sa ilalim ng mga kasunduang EDCA, VFA, at pagtutulak sa pagtatayo ng Pax Silica hub.

Iba pang mga pagkilos

Noong Hunyo 27, habang iidinadaos ang ika-4 na taon ng Love Laban Pride PH sa University of the Philippines Diliman, Quezon City, naglunsad ng protesta ang mga tagapagtanggol sa kalikasan at kabataang estudyante sa tapat ng Commission on Higher Education (CHED) bilang pagtutol sa pakikipagsabwatan ng Love Laban Pride PH sa Aboitiz Power at National Youth Commission.

Sa parehong araw, pinangunahan ng Eastern Visayas Pride Alliance sa Tacloban City ang isang protesta sa Libertad Freedom Park, kung saan nagsama-sama ang mga progresibong grupo, myembro ng komunidad ng LGBTQ+ at mga drag performers mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. Ang protesta ay bahagi ng tatlong araw na serye ng mga aktibidad para sa Pride na inorganisa ng alyansa.

Sa temang “LGBTQIA+ ngan Katawhan Pagkaurusa: Atuhan an VAT ngan Imperyalista nga Giyera,” nananawagan ang mga kalahok para sa pagbabasura sa Value-Added Tax (VAT) sa mga produktong petrolyo at batayang pangangailangan, at pagkundena sa presensya ng mga militar sa San Jose, Tacloban City noong Balikatan exercises.

Sa UP Los Baños, Laguna, kinulayan ng mga kulay ng bahaghari ang kahabaan ng Lopez Avenue mula Carabao Park hanggang Los Baños Junction para sa UPLB Pride March 2026. Nagmartsa ang mga kalahok bitbit ang mga panawagan para sa pagkakapantay-pantay ng mga kasarian at paglaban sa pyudal-patriyarkal na hegemonya ng rehimeng US-Marcos. Nanawagan din sila ng hustisya para sa mga kasapi ng LGBTQ+ na biktima ng pamamaslang ng pasismo ng estado.

Noong Hunyo 28, nagmartsa ang malawak na hanay ng LGBTQ+ at mamamayan ng Southern Tagalog sa Plaza Mabini, Batangas City, bilang pagdiriwang ng International LGBT Pride Day. Itinambol sa programa ang paggiit ng karapatan ng LGBTQ+ at pagkundena sa pagsasamantala at karahasang patuloy na umiiral sa bansa.

Sa protesta, nagtanghal ang organisasyon ng mga magsasaka na Teatro Kabataan Mula sa Nayon at mga drag artists mula sa UPLB Babaylan na sina Minervaugh, Veruchka Red, at Proxxxyma C.

Noong Hunyo 27, magkakasamang nagmartsa sa Baguio City ang mga myembro at aldyado ng LGBTQ+ para sa isang protesta. Sa temang, “Para sa kalayaan ng karapatan at kasarian, RAMPA, AWRA!” ay itinampok nila ang mga isyu ng sektor at ng buong bayan.

AB: Stone Wall Philippines at Pride Protest, inilunsad ng mga grupong LGBTQ+