Suporta at kumpensasyon, giit ng mga magtutubo at magsasaka ng Batangas
Nagpiket sa iba’t ibang mga ahensya ng gubyerno sa Metro Manila ang mga magtutubo at magsasaka ng Batangas noong Enero 22. Sa pangunguna ng Sugarfolks’ Unity for Genuine Agricultural Reform (Sugar)-Batangas at Alyansa ng Mga Magsasaka para sa Kumpensasyon (AMK), nagtungo sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA) at Sugar Regulatory Administration (SRA)-Main Office.
Mayroong tatlong pangunahing panawagan na inilatag ang Sugar-Batangas at AMK sa mga ahensya ng rehimeng Marcos. Una, hiniling nilang muling isali ng DSWD sa listahan ng makakatanggap ng ayuda ang 168 na mga delisted na benepisaryo at “unclaimed” na ₱10,000 ayuda para sa mga magtutubó. Anila, dapat pa ring makuha ng mga ito ang kanilang ayuda.
Matatandaan na noong 2024 ay matagumpay na naigiit ng Sugar-Batangas at Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA Pilipinas) sa pakikipag-ugnayan sa Gabriela Women’s Party, ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) Pay-out para sa mahigit 6,000 na magtutubo na naapektuhan ng pagsasara ng asukarerang CADPI noong Disyembre 2022.
Tinatayang 12,000 manggagawang-bukid at mahigit 7,000 maliliit na plantador ang nawalan ng kabuhayan dahil sa pagsasara ng CADPI. Sa taya noong 2020, sa CADPI ipinapasok ang inaaning tubo mula sa 10,980 ektarya sa prubinsya.
Ikalawa, nanawagan silang bigyan ng makabuluhang kumpensasyon sa kalamidad ang 91 plantador ng tubó sa mga bayan ng Lemery, Taal at Agoncillo. Walang natira sa kanilang tanim na tubó dulot ng matinding pagbaha at pagkalubog sa putik noong nanalanta ang Bagyong Kristine noong Oktubre 2024. Ayon sa Sugar-Batangas, umabot sa mahigit ₱11 milyon ang nasirang tubuhan at wala silang mapailo ngayon.
Ikatlo, iginiit nila ang paglalaan ng subsidyong pasahod para sa 1,089 na maggagapak o manggagawang-bukid sa tubuhan na nawalan ng trabaho dahil walang maggagapak at mapapailo.
Nagsumite ng paunang listahan ng mga nasalantang magsasaka at isang hiwalay na petisyon ang Sugar-Batangas at AMK sa mga ahensya ng gubyerno. “Napakalaki ng pondong maaaring magamit para tugunan ang kahingian naming mga magsasaka. Nariyan pa ang mga confidential and intelligence fund na dapat ilaan na lang sa mahahalagang sektor tulad ng sa agrikultura,” pahayag ng Sugar-Batangas.