Balita

Mababang pasahod na alok sa mga nars sa Cavite, binatikos

, ,

Binatikos ni Alyn Andamo, pangkalahatang kalihim ng Filipino Nurses United, ang paskil ng Cavite Municipal Hospital sa Facebook na nag-aalok ng trabaho sa ilalim ng kaayusang job order sa mga nars sa sahod na ₱15,000 kada buwan at nursing attendant sa sahod na ₱8,000 kada buwan.

“Bakit ganito kababa ang sahod na inaalok sa nurses?” pahayag ni Andamo. Patunay ito na maraming nars na iniimpleyo ng gubyerno sa prubinsya ang hinid nakatatanggap ng Salary Grade (SG) 15, ayon pa kay Andamo. “Tapos sisisihin ng DOH ang nurses na umaalis ng bansa?” pahayag niya.

Umani rin ng batikos mula sa mamamayan ang paskil ng ospital at nagsabing hindi makatwiran ang sahod, at na mas mababa pa ito sa minimum na sahod ng ordinaryong manggagawa sa Southern Tagalog.

Ayon sa Philippine Nursing Law, ang nars na nagtatrabaho sa pampublikong ospital ay dapat nakakatanggap ng SG 15 o katumbas ng ₱38,000 hanggang ₱40,000 kada buwan. Saad naman sa Magna Carta of Public Health Workers, kung sakaling walang kapasidad magpasahod nang ganito ang lokal na gubyerno, ang pambansang gubyerno ang magpupuno sa kulang.

Hugas-kamay naman ang Cavite Municipal Hospital at nagpaliwanag na ang Provincial Government ng Cavite ang nangangasiwa sa pagtanggap ng aplikante at pagpapasahod, at hindi ang ospital.

AB: Mababang pasahod na alok sa mga nars sa Cavite, binatikos