Balita

Tagapangulo ng konseho ng mag-aaral ng UP Diliman, ginigipit ng rehimeng Marcos

, ,

Kumakaharap ngayon sa panggigipit mula sa rehimeng Marcos ang tagapangulo ng konseho ng mag-aaral ng University of the Philippines (UP)-Diliman kasunod ng aktibong pangunguna at pakikilahok ng konseho sa malawakang kilusang walkout at protestang bayan kontra korapsyon ng rehimeng Marcos. Nakatanggap ng subpoena mula sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang lider-estudyante na si Joaquin Buenaflor noong Oktubre 22.

Si Buenaflor ang ika-apat na lider-estudyante na pinadalhan ng subpoena ng pulis para ipailalim sa “imbestigasyon” hinggil sa pakikisangkot sa mga protestang bayan. Naiulat na tatlong pulis ang nagpunta sa bahay ni Buenaflor para ihatid ang subpoena.

Wala sa bahay si Buenaflor nang dumating ang mga pulis at tinanggihan ng kanyang tiyuhin na tanggapin ang nasabing dokumento. Nagbanta pa umano ang mga pulis na aarestuhin si Buenaflor kung hindi siya sisipot at makikipagtulungan sa “imbestigasyon.”

Kaagad na bumuhos ang pagkundena ng mga konseho ng mag-aaral, mga institusyon at iba pang grupo laban sa pag-atake ng rehimeng Marcos kay Buenaflor. Panawagan ng UP Diliman University Student Council: “Hands Off Joaquin Buenaflor!”

Anang konseho, “malinaw ang ganitong taktika ng PNP upang mang-intimidate at mang-harass ng mga kabataang kumikilos kontra korapasyon at sa mga naghaharing-uring pinagsisilbihan ng mga kapulisan.” Dagdag pa nila, napakabilis para sa mga pulis na manghuli at manggipit ng mga kabataang nagpuprotesta ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring korap na upisyal ang napapanagot.

Matatandaan na sinindihan ng mga konseho ng mag-aaral, organisasyon at estudyante ng UP Diliman ang kilusang walkout sa bansa nang ikinasa nito ang demonstrasyon ng 5,000 indibidwal sa kampus noong Setyembre 12. Mula noon ay tuluy-tuloy ang mga piket, aktibidad at pagpapahayag ng mga estudyante sa kampus laban sa korapsyon.

Ang kampus rin ang nagpauso ng malaganap na ngayong cheer o sigaw na “Ikulong na yan, mga kurakot!” Isinisigaw ang mga panawagang ito maging sa mga palaro, konsyerto at mga patimpalak sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Muli ring nag-walkout ang 2,500 indibidwal sa UP Diliman noong Oktubre 17 bilang bahagi ng National Youth Day of Action Against Corruption. Nakimartsa rin sila sa 5,000 kabataan at estudyante sa Mendiola sa Maynila sa araw na iyon.

“Kung akala ni Marcos Jr at ng mga kroni niya na mapapakalma nila ang paglaban ng mamamayan sa pamamagitan ng intimidasyon at dahas, nagkakamali sila,” pahayag ng UP Office of the Student Regent (OSR). Dagdag ng UP OSR, itinutulak lamang nito ang mga estudyante na higit lalong makibaka hanggang mayroong mapanagot at mabago ang bulok na sistema.

Ito rin ang pahayag ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), na isa sa mga grupong nanguna sa pagpapakilos ng mga konseho at kabataan laban sa diktadurang US-Marcos Sr. “Itatransporma namin ang aming galit tungong kolektibo at militanteng pagkilos, hanggang sa makamtan natin ang isang malaya at makatarungang lipunan,” deklarasyon ng grupo.

AB: Tagapangulo ng konseho ng mag-aaral ng UP Diliman, ginigipit ng rehimeng Marcos