Balita

Takbo laban sa abuso, inilunsad ng Gabriela Women's Party

Inilunsad ng kababaihan, sa pangunguna ng Gabriela Women’s Party (GWP), ang Takbo Babae 2025 o pagtako laban sa abuso sa loob ng kampus ng University of the Philippines-Diliman noong Abril 13. Daan-daan ang lumahok sa aktibidad.

“Ang Takbo Babae 2025 ay hindi lang isang “fun run.” Isa itong makapangyarihang panawagan: Labanan ang Abuso!,” pahayag ni Rep. Arlene Brosas, kasalukuyang kinatawan ng GWP sa Kongreso at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.

Dagdag ni Brosas, “Isa itong patunay na hindi tayo natutulog sa gitna ng pag-abuso, hindi tayo pipikit sa harap ng pang-aapi, at higit sa lahat, hindi tayo titigil hangga’t may kababaihang inaapi, sinasaktan, at pinapatahimik,” Pangako niya, ipaglalaban nya ang karapatan at kaligtasan ng babae, bata, LGBTQ+ at bayan kung mahalal siya sa Senado.

Ayon sa GWP, ang kanilang pagkilos ay pagpapakita ng paninindigan “laban sa karahasang nakabatay sa kasarian.” Lumahok dito ang kilalang mga personalidad tulad ng mga artistang sina Ryza Cenon at Barbie Forteza, at Miss Globe runner-up na si Rowee Lucero.

Sa 21-taong walang patid na panunungkulan ng GWP sa Kongreso (2004-2025), naipasa nito ang ilang mahahalagang batas para sa pagtatanggol ng karapatan ng kababaihan at bata. Kabilang dito ang Anti-Violence Against Women and Children Act na nagtitiyak na may proteksyon ang kababaihan at mga bata laban sa karahasan sa loob ng tahanan, abusong sekswal at iba pang klase ng karahasan.

Susi rin ito sa pagpasa sa Anti-Trafficking in Persons Act noong 2003 at Magna Carta of Women. Malaki rin ang naging papel nito sa pagkakabuo at pakakapasa ng Rent Control Act (kasama ang Bayan Muna Party), Juvenile Justice Act, Philippine Nursing Act at Anti-Torture Law. Sa kasalukuyan, patuloy nitong itinutulak ang iba pang maka-kababaihang batas tulad ng legalisasyon ng diborsyo sa Pilipinas, laluna para sa kababaihang nakakulong sa mapang-abusong mga relasyon, at SOGIESC (Sexual Orientation, Gender Identity and Expression, and Sex Characteristics) Equality Bill.

AB: Takbo laban sa abuso, inilunsad ng Gabriela Women's Party