Balita

Tanggalan ng riders, aksidente sa SCTEX, sapilitang konsolidasyon: Patunay ng papalalang krisis sa transportasyon, ayon sa Piston

Patuloy na lumalala ang krisis sa pampublikong transportasyon sa bansa. Salamin nito ang tatlong magkaugnay na pangyayari: ang planong pagtanggal ng 14,000 Move It motorcycle taxi riders, ang pagkasawi ng 10 katao sa aksidente ng bus sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), at ang patuloy na pagtanggi ng Department of Transportation (DOTr) na tugunan ang mga hinaing ng mga drayber at opereyot ng dyip para magparehistro ng indibidwal na prangkisa.

Ayon kay Mody Floranda, presidente ng grupong Piston, “Mistulang hindi na ito mga magkakahiwalay na insidente, kundi mga sintomas ng sistemikong pagbulusok ng sistema ng pampublikong transportasyon na dapat ay nagsisilbi sa mamamayan.”

Noong Abril, iniutos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbawas ng rider fleet ng Move It. Mariin itong tinutulan ng Piston at ng mga apektadong riders.

Ani Floranda, “Hindi patas ang desisyong ito na nagdudulot ng malaking problema sa kabuhayan ng mga tsuper at riders. Dapat unahin ng gubyerno ang karapatan ng mga manggagawa sa halip na paboran ang malalaking negosyo.”

Noong Abril 30, sampung tao ang nasawi nang inararo ng isang bus ang ilang sasakyan sa SCTEX. Lumabas sa imbestigasyon na nakatulog ang drayber habang nagmamaneho, na ayon kay Floranda ay bunga ng mababang sahod, kakulangan sa pahinga, at kawalan ng seguridad sa trabaho.

“Ang aksidenteng ito ay malinaw na epekto ng mapagsamantalang kalagayan ng mga drayber. Mababa ang sahod, kulang ang pahinga, kaya napipilitang magmaneho nang sobra sa kanilang kakayahan para lang mabuhay,” ani Floranda.

Kasabay nito, mariing tinututulan ng Piston ang sapilitang drug testing na balak ipatupad ng DOTr sa mga tsuper ng PUV. Anito, ang sapilitang drug testing, lalo na kung ipapatupad nang walang sapat na proteksyon o support system, ay mas nakatuon sa paniniktik at kontrol kaysa tunay na kaligtasan. “Itinuturing nito ang mga tsuper bilang mga suspek sa halip na mga manggagawa o propesyonal. Binabalewala nito ang kanilang mababang kita, masamang kundisyon sa trabaho, at kakulangan ng suporta mula sa estado,” ayon sa grupo.

Aniya pa, “Dapat unahin ng DOTr ang pag-aayos ng imprastraktura, regulasyon sa oras ng trabaho, at pagbibigay ng makataong sahod at benepisyo sa mga drayber. Hindi sapat na parusahan ang mga manggagawa habang pinapabayaan ang mga korporasyon na nagsasamantala.”

Binatikos rin ng Piston ang ahensya sa sadyang pag-antala nito sa pagpapalabas ng memorandum na magpapahintulot sa mga unconsolidated PUV operators na makapag-renew ng kanilang prangkisa. “Ang pagkaantala ay nagdudulot ng kawalang-katiyakan sa kabuhayan ng mga drayber at operator. Hindi ito simpleng papeles lang, ito ay tungkol sa pagkain sa mesa at edukasyon ng kanilang mga pamilya,” pahayag ni Floranda.

Nanawagan ang Piston sa gubyerno na itigil ang mga patakarang nagpapahirap sa mga manggagawa at ipatupad ang isang progresibo, makabayan, at makamasang pampublikong transportasyon.

“Ang pampublikong transportasyon ay hindi negosyo, ito ay karapatan ng bawat Pilipino. Hangga’t ituturing itong negosyo, patuloy itong magiging mapanganib, magulo, at hindi makatao,” ayon kay Floranda.

Sa kabila ng mga hamon, nananatiling determinado ang Piston na ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa sa transportasyon para sa makataong sahod, seguridad sa trabaho, at disenteng kundisyon sa paggawa bilang susi sa ligtas na kalsada at maayos na serbisyo para sa lahat.

AB: Tanggalan ng riders, aksidente sa SCTEX, sapilitang konsolidasyon: Patunay ng papalalang krisis sa transportasyon, ayon sa Piston