Tangkang pagmasaker at panggigipit ng 9th IB, naiulat sa Camarines Norte

, ,

Iniulat kamakailan ang serye ng sunud-sunod na harasment, intimidasyon at tangkang masaker sa masa ng Camarines Norte sa nagdaang tatlong buwan. Biktima ng karahasang militar ang mga residente at sibilyang populasyon sa mga barangay sa bayan ng Labo at Jose Panganiban sa Camarines Norte.

Noong Setyembre 27, isang grupo ng mga katutubo ang tinangkang imasaker ng mga sundalo ng berdugong 9th IB sa Sityo Mapatong, Barangay Malaya sa bayan ng Labo. Matapos nito, isang katribu nila ang hinuli at ikinulong ng mga sundalo.

Dalawang residente naman ng Barangay Canapawan ang dalawang beses pinuntuhan ng mga ahenteng militar noong Oktubre 5. Paulit-ulit silang sinindak at pinilit na maging aset ng militar. Ganito rin ang ginawa sa isang residente sa Barangay Silang 2 noong Setyembre 24. Ginipit din ng mga sundalo ang isang magsasaka sa Barangay Canawapan noong Agosto 11.

Sa bayan ng Jose Panganiban, isang magsasaka na residente ng Barangay Dahican ang pinuntahan ng anim na ahenteng militar noong Setyembre 17. Isinailalim ang biktima sa interogasyon at pananakot mula alas-3 ng hapon hanggang alas-6 ng hapon.

Isang mangingisdang residente ng Sityo Tabadyak, Barangay San Jose ang “binisita” para gipitin ng dalawang ahenteng militar noong Setyembre 22. Dinala nila ang biktima sa kampo, iginapos doon at isinailalim sa matinding interogasyon.

AB: Tangkang pagmasaker at panggigipit ng 9th IB, naiulat sa Camarines Norte