Balita

Tatlong inaresto sa Batangas, iginiit na palayain

Nanawagan ang mga kaanak ng biktim at grupo sa karapatang-tao sa Batangas na palayain ng mga pwersa ng estado ang tatlong dinukot at ikinulong ng mga pulis noong Agosto 24 sa San Juan, Batangas. Kinilala ang mga biktima na sina Ernesto Baez Jr, Jose Escobio, at Junald Jabonero. Dinampot sila ng mga pulis habang bumabyahe sa Barangay Buhay na Sapa.

Ang tatlo ay sinampahan ng gawa-gawang mga kaso ng pagpatay, illegal possession of explosives, at Comprehensive law on Firearms and Ammunition. Ayon sa ulat ng pulis, nakumpiska umano sa kanila ang mga baril, bala at magasin, mga gamit pampasabog, mga selpon at laptop, at iba pa.

Sa ulat ng Tanggol Batangan, grupo sa karapatang-tao sa prubinsya, nabisita ng pamilyang Escubio ang kanilang padre de pamilya noong Agosto 25 na ipiniit sa Camp Miguel Malvar, Batangas City. Si Escubio ay naunang iniulat ng kanyang pamilya na nawawala na nagsabing maghahatid ng kanyang mga pasahero gamit ang isang multicab sa Lipa City.

Ayon sa kanyang asawa, mayroong ihahatid si Escobio mula sa bayan ng San Juan tungong Lipa City sa naturang araw ngunit bigla na lamang siyang hindi makontak bandang alas-5 ng umaga.

Sina Jabonero at Baez Jr, na silang umarkila kay Escobio, ay parehong organisador ng Samahan ng Magbubukid sa Batangas.

Sa salaysay ng tatlo, pasado alas-5 ng madaling araw noong Agosto 25 ay bumyahe sila mula sa isang resort sa bayan ng San Juan. Nang inaresto, tinutukan umano sila ng armas ng mga pulis saka isinakay sa ibang sasakyan at tinakluban ang mga mukha. Ibinalik sila ng mga pulis sa lugar sa tulay sa bahaging Barangay Buhay na Sapa at doon pinalabas na mayroong dalang mga armas at mga pampasabog.

AB: Tatlong inaresto sa Batangas, iginiit na palayain