Balita

Tatlong sibilyan, tinangkang patayin ng 2nd IB sa Masbate


(Itinuwid- September 6, 2023)
Tinangkang patayin ng mga pwersa ng 2nd IB ang tatlong sibilyan sa isang bahay sa Sityo Milagro, Barangay Guindawhan, Pio V. Corpus, Masbate noong Agosto 30. Naunang iniulat noong Setyembre 1 na napaslang sa masaker ang tatlo ngunit kamakailan ay nakumpirma na nakatakas ang mga biktima mula sa brutal na krimen ng mga pasistang berdugo.

Ang bahay ay walang patumanggang pinaulanan ng bala ng mga sundalo. Sa ulat mismo ng militar, nagsimula ang sinasabing “engkwentro” bandang alas-5:45 ng umaga. Matapos ang krimen, winasak ng mga berdugo ang bahay ng mga biktima at ninakaw ang bigas ng mga ito.

Matatandaang noong Agosto 19 lamang, sadyang pinatay ng mga sundalo ng 96th IB at mga pulis ng Masbate ang tatlong sibilyang babae sa Barangay Jagnaan sa San Jacinto, isla ng Ticao, Masbate. Pinalalabas din na napatay sila sa isang armadong sagupaan. Ang mga biktima ay sina Jelyn Guis Dejomo, 56 anyos, Sheryl Salazar Dejomo, 29 anyos, at Divina Lubiano Ajitan, 60 anyos.

Ang tangkang pagmasaker at sadyang pagpatay sa mga sibilyan ay malalang paglabag sa internasyunal na makataong batas at mga alituntunin ng digma.

Nanawagan ng hustisya ang Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM)-Masbate para sa mga biktima ng karumal-dumal na mga krimen ng AFP. Giit ng mga magbubukid, dapat sama-samang kumilos at labanan ang kampanyang teror ng AFP at PNP laban sa masang magsasaka sa Masbate.

Anang grupo, “malaki ang pananagutan ng rehimeng Marcos Jr sa malawakang pamamaslang sa prubinsya na pangunahing tumatarget sa masang magsasaka. Nasa likod nito ang walang tigil na mga maniobra ng kanyang mga pinapaburang mga kumpanya ng Filminera Resources Corporation, ekoturismong Empark at pagtatayo ng paliparang pang-internasyunal.”

Paliwanag nila, dadambungin ng naturang mga proyekto ang buhay, kabuhayan at lupa ng masang magsasaka. Dagdag pa ng PKM-Masbate, kasabwat ng mga ito ang naghaharing pamilyang pampulitika na Kho.

“Dapat…pagkaisahin ang lakas at isulong ang mga kampanyang pagpapalayas sa mga sundalo at pulis na salot sa buhay at kabuhayan ng masa. Higit kailanman, kailangang patuloy na suportahan ng masang Masbatenyo ang armadong paglaban sa prubinsya,” giit pa ng grupo.

Samantala, nagbabala si Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate, sa sunud-sunod na karahasan ng mga armadong pwersa ng estado. Aniya, layunin ng mga pakanang ito ang lumikha ng senaryo ng kaguluhan sa prubinsya at bigyang rason ang pagdeklarang muli sa Masbate bilang “election hotspot” sa harap ng papalapit na eleksyong pambarangay at sangguniang kabataan.

___

Pagtutuwid sa artikulo

Naunang iniulat sa artikulo ang pagkamatay ng mga biktima dahil sa pagpapaulan ng bala ng mga sundalo. Matapos ang ilang araw, nakumpirma ng mga tagapagbalita na nakaligtas ang mga biktima mula sa tangkang masaker. Humihingi kami ng paumanhin sa pagkakamaling ito.

AB: Tatlong sibilyan, tinangkang patayin ng 2nd IB sa Masbate